30/05/2025
🇵🇭Sa darating na Araw ng Kalayaan: Panawagan sa Pagkakaisa ng Sambayanang Pilipino. 🇵🇭(ArMaGa)
Tuwing ika-12 ng Hunyo, buong bansa ay nagdiriwang ng Araw ng Kalayaan—isang makasaysayang paggunita sa araw na itinindig natin ang ating watawat at ipinahayag sa buong mundo ang ating kasarinlan. Ngunit habang malaya na tayo sa kamay ng dayuhan, ang mas mahirap na labanan ngayon ay ang pagkakawatak-watak nating mga Pilipino sa sarili nating bayan.
Sa kasalukuyang panahon, tila ba mas lumalalim ang pagkakaibang pampulitika sa bawat isa. Ang ating mga opinyon, kulay ng pananampalataya, at paniniwala ay naging hadlang sa pagtutulungan at tunay na bayanihan. Ngunit ngayong darating na Araw ng Kalayaan, nawa’y magsilbi itong paalala: iisang lahi, iisang bayan, at iisang layunin tayo.
Ang pagkakaiba-iba ng pananaw ay bahagi ng demokrasya—isang bunga ng kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani. Ngunit huwag sana nating hayaang maging dahilan ito ng pagkamuhi, pag-aaway, at pagkakawatak-watak. Ang tunay na diwa ng kalayaan ay ang malayang pag-iisip na may paggalang sa kapwa, at ang pagkakaibang paniniwala ay dapat magdala ng diskurso, hindi pagkamuhi.
Sa gitna ng lahat ng ito, nananatiling buo ang ating pagkakakilanlan bilang Pilipino. Ang ating pag-ibig sa bayan, malasakit sa kapwa, at pagnanais ng mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon ay mga bagay na hindi kailanman nababahiran ng pulitika.
Ngayong darating na Araw ng Kalayaan, piliin nating maging mas makabayan kaysa maging maka-partido. Piliin nating makinig kaysa makipag-away. Piliin nating magtulungan kaysa maghilahan pababa. Sapagkat sa dulo, hindi kulay p**a, dilaw, asul, o berde ang tunay na dapat manaig—kundi ang kulay ng ating bandila: p**a, puti, asul, at dilaw, na sumasagisag sa dugong Pilipino ng bawat isa sa atin.
Sa darating na Araw ng Kalayaan, Maligayang Araw ng Kalayaan! Ipagdiwang ang kalayaan sa diwa ng pagkakaisa.🇵🇭👍👌