
09/08/2025
𝗧𝗜𝗡𝗚𝗡𝗔𝗡 | 𝗚𝗮𝗺𝗲 𝗢𝗻!: 𝗦𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗯𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗮𝗹𝗮𝗸𝗯𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗣𝗶𝘀𝗮𝘆-𝗗𝗮𝘃𝗮𝗼 𝗔𝗟𝗣 𝗙𝗮𝗶𝗿 𝟮𝟬𝟮𝟱
Kung sa mga epiko't maikling kuwento ay may mga bayaning naglalakbay upang matuklasan ang kayamanan ng iba't ibang lupain, sa Pisay-Davao naman nagtitipon ang mga isko at iska upang simulan ang kani-kanilang mga paglalakbay sa mga sari-saring mga organisasyon na itinampok sa Alternative Learning Program (ALP) Fair 2025. Sa halip na espada at kagitingan, dala nila ang kanilang talento, ideya, at kagustuhang mapabuti ang sarili at ang komunidad.
Sa pagbubukas ng ALP Fair noong Agosto 8, 2025 sa PSHS-SMC Gymnasium, sinalubong ang mga mag-aaral ng isang masiglang pagbati mula kay ALP Non-Academic Coordinator Gng. Ariane Lou Sanchez, "Hop into a brand new adventure—this isn’t just club enlistment, it’s your chance to unlock new skills, level up your talents, and join the guild that will take you beyond the pages of textbooks."
Ngayong taon, handa na ulit tumanggap ng mga bagong manlalakbay ang iba't ibang ALP.
𝐎𝐚𝐬𝐢𝐨𝐚𝐬, para sa mga mananayaw na handang aliwin ang masa.
𝟒𝐇, para sa mga kayang gawing obra ang simpleng materyales.
𝐂𝐨𝐦𝐩𝐮𝐭𝐞𝐫 𝐏𝐫𝐨𝐠𝐫𝐚𝐦𝐦𝐢𝐧𝐠, para sa mga code warriors na magtatayo ng digital na kaharian.
𝐃𝐞𝐛𝐚𝐭𝐞, para sa mga strategist na hahamon sa talino ng iba.
𝐑𝐨𝐛𝐨𝐭𝐢𝐜𝐬, para sa mga inobador na bubuo ng mga mekanikal na kaalyado.
𝐓𝐡𝐞𝐚𝐭𝐫𝐞 𝐀𝐫𝐭𝐬, para sa mga bayani ng entablado.
𝐉𝐄𝐌, para sa mga tagapangalaga ng kalikasan.
𝐒𝐜𝐢-𝐌𝐚𝐭𝐞𝐬, para sa mga explorer ng agham at saya.
𝐁𝐚𝐠𝐰𝐢𝐬-𝐀𝐠𝐡𝐚𝐦 𝐚𝐭 𝐒𝐜𝐢-𝐖𝐢𝐧𝐠𝐬, para sa mga malikhaing mananalaysay na magdadala ng balita at inspirasyon.
𝐆𝐥𝐞𝐞, para sa mga mang-aawit na aabot ng matataas na nota.
𝐌𝐔𝐍, para sa mga diplomatikong huhubog sa kinabukasan.
𝐒𝐩𝐨𝐫𝐭𝐬 𝐂𝐥𝐮𝐛, para sa mga mandirigmang magtatagumpay sa bawat laban.
Hindi lamang ito simpleng araw ng pagpili ng club. Ito ay isang pintuan tungo sa mga bagong kasanayan, pagkakaibigan, at kwento na magiging bahagi ng buhay sa Pisay.
Sa pagtatapos ng ALP Fair 2025, malinaw na sa lahat na ito ay hindi lamang isang kaganapan—ito ang simula ng kanilang dakilang paglalakbay sa taong ito kung saan ang bawat iskolar ang bayani sa sariling mga kuwento.
Isang matagumpay na ALP Fair 2025 ang nagbukas ng pinto sa panibagong taon ng paghasa ng sarili. Ayon nga sa mga salitang bigkas sa pagbati: "Game on, Pisay SMC!"
| Sulat ni Diana Nicole Gaer
| Mga larawan nina Francis Gabriel Dangoy, Christine Gomez, Kryst Irle Toledo, Denzel Heart Hontanosas at Rhaizyll Clyte Giltendez
| Likha ni Rhaizyll Clyte Giltendez