28/05/2026
TINALO NI LENI ROBREDO SI BONGBONG MARCOS SA 2016 VICE PRESIDENTIAL RACE
Noong halalan noong Mayo 2016, opisyal na idineklarang nanalo si dating Vice President Leni Robredo laban kay Bongbong Marcos sa isa sa pinakamahigpit na laban sa kasaysayan ng Pilipinas. Nakakuha si Robredo ng 14,418,817 boto habang si Marcos ay may 14,155,344 boto, na may agwat na 263,473 boto.
Sa unang bahagi ng bilangan, nanguna si Marcos sa partial at unofficial count, ngunit nang pumasok ang mga boto mula sa Bicol Region, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao ay tuluyang nakaungos si Robredo.
Nagkaroon ng kontrobersiya matapos kwestiyunin ng kampo ni Marcos ang umano’y “script change” sa transparency server ng COMELEC. Ngunit nilinaw ng COMELEC at ng Korte Suprema na isa lamang itong cosmetic fix at walang epekto sa aktuwal na bilang ng boto.
Noong Hunyo 2016, naghain si Marcos ng electoral protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET), kung saan hiniling niya ang manual recount at pagbasura ng mga boto sa ilang probinsya sa Mindanao dahil umano sa dayaan at manipulasyon.
Subalit matapos ang manual recount sa mga pilot provinces na mismong pinili ng kampo ni Marcos, lumabas na lalo pang lumaki ang lamang ni Robredo ng mahigit 15,000 boto. Umabot sa 278,566 ang final revised lead ni Robredo matapos ang re-canvass.
Noong Pebrero 16, 2021, tuluyang ibinasura ng Korte Suprema, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal, ang electoral protest ni Marcos sa unanimous na botong 15-0. Ayon sa PET, walang sapat na ebidensya upang patunayan ang alegasyon ng malawakang dayaan.
Sa pinal na desisyon ng korte, pinagtibay na si Leni Robredo ang lehitimo at legal na nanalong Bise Presidente ng Pilipinas para sa terminong 2016–2022.