22/02/2025
STUDENT PILOT AT INSTRUCTOR, LIGTAS MATAPOS ANG EMERGENCY LANDING; PNP AIR UNIT, AGAD NA RUMESPONDE
Pinatunayan ng Philippine National Police (PNP) Air Unit ang kanilang mabilis na aksyon at dedikasyon sa kaligtasan ng publiko matapos silang agad tumugon sa distress call mula sa isang Piper Tomahawk aircraft na kinailangang mag-emergency landing noong Pebrero 19, 2025.
Ayon sa report, bandang 9:47 AM, habang nagsasagawa ng proficiency flight gamit ang PNP Robinson R44 helicopter, natanggap ng crew—na pinangungunahan ni Pilot-In-Command PMAJ Bjorn Nicole A. Blanes, Co-Pilot PMAJ Junedel S. Mormolindo, at PCPT Benedict DT De Guzman—ang distress signal mula sa Piper Tomahawk RP-C1085. Ang naturang eroplano, na pinapatakbo ng Fliteline Aviation, ay napilitang mag-emergency landing sa isang palayan sa Brgy. Langlagan, Plaridel, Bulacan.
Mabilis na rumesponde ang PNP Air Unit at agad na nakarating sa crash site upang suriin ang sitwasyon at tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay nito—sina Flight Instructor Capt. Valentin Torres III at Student Pilot Mr. David Cabrera. Sa kabutihang palad, parehong ligtas ang dalawang piloto. Matapos makumpirma ang kanilang kalagayan, agad ding nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PNP sa Plaridel Municipal Police Station at Aviation Security Unit 3 (AVSEU 3) bago ipinaubaya ang insidente at ipinagpatuloy ang kanilang flight mission.
Nagpahayag ng pasasalamat si PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, sa maagap na tugon ng PNP Air Unit, at pinuri ang kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa paglilingkod, na lampas pa sa tungkulin ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
"Ipinapakita ng matagumpay na rescue operation na ito ang ating pagsunod sa hangarin ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas—isang pamahalaang epektibo at maagap sa kapakanan ng mamamayan. Ang tapang at mabilis na aksyon ng ating mga piloto ay patunay ng tungkulin ng PNP na maglingkod at protektahan, hindi lang sa lupa kundi pati sa himpapawid," ani PGen. Marbil.
Binigyang-diin din ng Chief PNP ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na palakasin ang epektibong pagpapatupad ng batas at pampublikong serbisyo sa Bagong Pilipinas. "Sa ilalim ng pamumuno ng ating Pangulo, patuloy nating pinapatunayan na karapat-dapat tayo sa tiwala ng taumbayan sa pamamagitan ng tapat na serbisyo. Ang insidenteng ito ay patunay na ang ating hanay ay laging handang umaksyon sa anumang emergency situation," dagdag pa niya.
Ang PNP ay nananatiling matatag sa kanyang misyon na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, patuloy na pinapalakas ang kakayahan nito upang mabilis at epektibong tumugon sa mga di inaasahang pangyayari—tinitiyak na sa Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis: Ligtas Ka!