
21/09/2025
KAILAN NATIN TULUYANG MABUBUNOT ANG ANINO NG MARTIAL LAW?
Hindi lang petsa ang Setyembre 21 — ito’y paalala ng dilim na bumalot sa Pilipinas. Sa deklarasyon ng Martial Law ni Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1972, isinara ang mga pahayagan, pinatahimik ang midya, at tinanggal ang karapatan ng libo-libong Pilipino. Ang ipinangakong “kaayusan” ay pinalitan ng takot, pang-aabuso, at matinding korapsyon.
Umabot sa mahigit 70,000 katao ang iligal na inaresto, 34,000 ang tinortyur, at mahigit 3,200 ang pinatay sa ilalim ng diktadura, ayon sa datos ng Amnesty International. Hindi kasama rito ang libo-libong nawawala hanggang ngayon at ang mga pamilyang tuluyang nawalan ng boses.
Kasabay nito, tinatayang bilyun-bilyong dolyar ang nawaldas at ninakaw mula sa kaban ng bayan, na hanggang ngayon ay patuloy pang hinahabol sa korte.
Sa kabila ng pagwawakas ng diktadura noong 1986, nananatili ang mga bakas ng panahong iyon. Patuloy na isyu ang pangmalawakang korapsyon at pamamayagpag ng dinastiyang politikal sa bansa. Sa social media, laganap ang pagbabaluktot ng kasaysayan, na tila binubura ang mga rekord ng pang-aabuso at inihahain ang Martial Law bilang “ginintuang panahon.”
Habang sa ibang bansa, ang kabataan ay nagsisilbing tinig ng pagbabago laban sa pang-aapi, sa Pilipinas ay madalas na natatabunan ng katahimikan ang panawagan para sa hustisya. Ang ganitong pananahimik, bagama’t tila ligtas, ay nagiging kasabwat ng pang-aabuso. Kung hindi haharapin ang mga aral ng nakaraan, mananatiling bukas ang pinto para maulit ang parehong kalupitan.
Ang anibersaryo ng Martial Law ay higit pa sa pagbabalik-tanaw. Ito’y babala na ang kasaysayan ay maaaring maulit kung ang sambayanan ay pipiliing manahimik. Ang mga bilang ng biktima ay hindi lamang numero — sila ay mga buhay na sinupil ng isang sistemang umiral sa takot. At hanggang hindi ganap na natututo ang lipunan, mananatiling tanong: kailan natin tuluyang mabubunot ang anino ng Martial Law?
PAGLILINAW: Ang mga pananaw at opinyon ng pahayagang pangkampus ay hindi sumasalamin sa mga pananaw at opinyon ng institusyon.