10/06/2026
BREAKING: SC, IBINASURA ANG PETISYON NA NAGPAPAWALANG-BISA SA ISYU NG 12-SENADOR NA QUORUM
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong inihain ni g**o at political commentator John Barry Tayam na humihiling na ideklarang valid quorum ang presensya ng 12 senador sa kontrobersyal na sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026.
Sa press briefer na inilabas ng Office of the Spokesperson ng Korte Suprema noong Hunyo 10, sinabi ng SC En Banc na ibinasura ang kaso dahil sa kawalan ng legal standing ng petitioner.
Ayon sa Korte Suprema:
“The SC dismissed the petition filed by John Barry T. Tayam (Tayam) for lack of legal standing.”
Ipinaliwanag pa ng Mataas na Hukuman:
“The SC ruled that Tayam failed to show that he suffered, or was at imminent risk of suffering, any direct injury from the actions he challenged.”
Ang petisyon ni Tayam ay may kaugnayan sa kontrobersyal na sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kung saan idineklara ng kampo nina Gatchalian na may quorum at nagpatuloy sa reorganisasyon ng liderato ng Senado.
Sa petisyon, hiniling ni Tayam sa Korte Suprema na ideklarang valid quorum ang presensya ng 12 senador sa naturang sesyon.
Ayon sa press briefer:
“Tayam had asked the SC to declare the presence of 12 senators during the June 3, 2026 session of the 20th Congress as a valid quorum.”
Gayunman, mahalagang tandaan na hindi tinalakay ng Korte Suprema ang mismong merito ng argumento kung valid o hindi ang 12 senador bilang quorum. Ang naging batayan lamang ng pagbasura ay ang kakulangan umano ng legal standing ng petitioner.
Dahil dito, hindi naglabas ang Korte Suprema ng pinal na pasya kung tama o mali ang interpretasyon hinggil sa quorum noong Hunyo 3. Sa halip, ang naging desisyon ng Hukuman ay nakatuon lamang sa usaping procedural kung may karapatan bang magsampa ng naturang kaso si Tayam.
Patuloy na sentro ng debate sa Senado ang usapin ng quorum matapos kuwestiyunin ng kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano ang legalidad ng sesyon kung saan isinagawa ang reorganisasyon ng liderato at ilang komite ng Mataas na Kapulungan.
Sa ngayon, nananatiling buhay ang diskusyon sa legalidad ng naturang sesyon, ngunit malinaw sa inilabas na press briefer na ang petisyon ni Tayam ay ibinasura hindi dahil pinaboran o pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang 12-senador na quorum, kundi dahil sa kakulangan ng legal standing ng naghain ng kaso.