01/05/2025
𝐌𝐀𝐘𝐎 𝐔𝐍𝐎 || 𝗣𝗮𝗴𝗽𝘂𝗽𝘂𝗴𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗼𝗱𝗲𝗿𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗯𝗮𝘆𝗮𝗻𝗶
𝘈𝘸𝘪𝘵 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘯𝘢𝘸𝘢𝘨𝘢𝘯 𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘴𝘢 𝘳𝘦𝘱𝘰𝘳𝘮𝘢 𝘵𝘶𝘯𝘨𝘰 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘮𝘱𝘢𝘵𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘩𝘰𝘥 𝘢𝘵 𝘥𝘢𝘯𝘨𝘢𝘭.
Pagpupugay sa mga palad na tila araro sa tigas,
na humuhukay ng kinabukasan sa bawat pagdipa.
Sa mga kamay na hindi lamang nagbubuhat,
kundi nagbubusog, nagtutustos, nagpapakain sa bayan.
Sa katawang nilulumpo ng pagod,
ngunit tuwing bukang-liwayway ay muling bumabangon,
tila araw na kailanma’y di nagsasawa sa pagliwanag.
Sa mga matang bihirang pumikit,
dahil ang panaginip ay hindi pribilehiyo ng abang manggagawa.
Kayo ang diwa sa likod ng ating pag-unlad—
ang tanod ng panaderya, ang anino sa pabrika,
ang ina sa looban, ang ama sa bukid.
Kayo ang ugat ng ating kabihasnan,
ngunit bakit hanggang ngayo’y nananatiling aba sa sahod?
Hindi sapat ang palakpak tuwing Mayo Uno.
Hindi sapat ang banderitas at mga platitong seremonya.
Ang nararapat ay repormang tunay—
taas-sahod, karapatan, at pagkilalang higit sa salita.
Panahon na upang pakinggan ang daing sa ilalim ng init,
at hindi lamang tuwing may kamera’t mikropono.
Sa bawat patak ng pawis ay may pangarap,
at sa bawat pangarap ay dapat may hustisya.
Hindi limos ang sigaw—kundi karampatang dangal.
Ang manggagawa, ang magsasaka—
sila ang tunay na bayani ng ating hapag,
ng ating tahanan, ng ating bansa.
Ngayong Mayo Uno, ang Viaticus ay taos-pusong nakikiisa sa panawagan para sa makataong sahod, tunay na pagkilala, at marangal na pamumuhay.
Hindi lamang pagpupugay—kundi pakikiisa.
𝑺𝒂 𝒊𝒏𝒚𝒐, 𝒔𝒂𝒍𝒖𝒅𝒐 𝒌𝒂𝒎𝒊!
Graphics by Angelie M. Garcia
Words by Angel Anthonette Y. Aranas