31/08/2025
𝐊𝐨𝐥𝐮𝐦 | 𝐖𝐚𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐈𝐢𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐖𝐢𝐤𝐚
Isinulat ni: 𝘒𝘺𝘭𝘦𝘦 𝘊𝘩𝘦𝘴𝘬𝘢 𝘈. 𝘔𝘢𝘵𝘦𝘭𝘢
Iginuhit ni: 𝘓𝘢𝘥𝘺 𝘈𝘳𝘸𝘦𝘯 𝘚. 𝘝𝘦𝘯𝘵𝘪𝘭𝘢𝘤𝘪𝘰𝘯
𝙏𝙪𝙬𝙞𝙣𝙜 𝘼𝙜𝙤𝙨𝙩𝙤, 𝙞𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜𝙙𝙞𝙧𝙞𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣 𝙖𝙣𝙜 𝘽𝙪𝙬𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙒𝙞𝙠𝙖. 𝙉𝙜𝙪𝙣𝙞𝙩 𝙡𝙖𝙜𝙞 𝙠𝙤𝙣𝙜 𝙩𝙞𝙣𝙖𝙩𝙖𝙣𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙣𝙜 𝙨𝙖𝙧𝙞𝙡𝙞: 𝙬𝙞𝙠𝙖 𝙗𝙖 𝙩𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖 𝙣𝙜 𝙡𝙖𝙝𝙖𝙩, 𝙤 𝙁𝙞𝙡𝙞𝙥𝙞𝙣𝙤 𝙡𝙖𝙢𝙖𝙣𝙜?
Bilang isang batang lumaki sa Mindanao, ramdam ko kung paanong natatabunan ng Filipino ang mga katutubong wika. Aminado ako, madalas akong mahumaling sa mga usong salita at mapabayaan ang aking bernakular. Halimbawa, mas ginagamit ko ang salitang “paldo” kaysa sa katumbas nitong Bisaya na itinuro sa akin ng aking mga magulang at lolo’t lola. Hindi ako nag-iisa. Sa dami ng kabataang mas bihasa sa Filipino o Ingles kaysa sa sariling wika, malinaw sa akin na may problema sa paraan ng ating selebrasyon. Ayon nga sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), higit sa 180 wika ang mayroon tayo. Kaya’t para sa akin, napakakitid kung sa Filipino lamang iikot ang ating kamalayan.
Kapag ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika, napapansin ko na nakasentro ang lahat ng mga presentasyon sa Filipino: tula, awit, sanaysay, sayaw, maging mga makukulay na kasuotan. Totoo, nakaaaliw ang mga ito. Ngunit kapag tinatanong ko ang mga kaklase ko kung kaya ba nilang magsalin ng isa sa kanilang sariling wika, kadalasan ay hindi sila makasagot. Ang resulta? Isang selebrasyong maganda sa mata ngunit mababaw sa diwa. At para sa akin, dito nagsisimula ang maling paniniwala na mas mababa ang halaga ng mga nasa rehiyon—lalo na kaming mga Bisaya na madalas ituring na “laylayan” ng pambansang identidad.
Sa aking palagay, kapag Filipino lamang ang itinatampok, unti-unti nating binubura ang tradisyon, kasaysayan, at panitikan na nakapaloob sa ating mga katutubong wika. Isipin na lang ang Darangen ng Maranao, isang epikong kinilala ng UNESCO bilang obra ng sangkatauhan. Paano ito maisusulong kung nakapako lang tayo sa Filipino? Kung ganito rin lamang, mas tama sig**ong tawagin itong “Buwan ng Wikang Filipino” kaysa “Buwan ng Wika.”
Hindi sa isinasantabi ko ang halaga ng wikang Filipino. Para sa akin, ito ang nagsisilbing lingua franca o tulay na ginagamit sa paaralan, pamahalaan, at midya. Subalit hindi dapat maging dahilan ang tulay upang tabunan ang mga daang patungo sa ating pinagmulan. Ang Ilocano, Waray, Hiligaynon, Kapampangan, Cebuano at iba pang mga wika ay hindi lang mga salita; sila’y sisidlan ng ating mga alaala at kultura.
Personal kong nakikita ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika sa pakikipag-ugnayan. Kapag ginagamit ko ang Bisaya sa pakikipag-usap sa aking mga kapitbahay, mas nakikilala nila ako, at mas nakikibahagi ako sa kanilang kwento. Mas buo ang pakiramdam ng pagiging kabilang sa isang pamayanan. Sa tingin ko, dito nakaugat ang tunay na kapangyarihan ng wika—ang maglapit ng tao sa isa’t isa.
Kaya’t para sa akin, mawawalan ng saysay ang Buwan ng Wika kung Filipino lamang ang ating maririnig. Hinihikayat ko ang bawat g**o, magulang, at kapwa kabataan: gamitin natin muli ang sariling wika—sa tahanan, paaralan, at komunidad. Huwag nating hayaang manatiling anino ang mga salitang pamana ng ating mga ninuno. Sapagkat sa bawat paggamit natin ng sariling wika, lalo nating pinatitibay ang ating pagkatao at masisig**o ang pamana ng ating kultura para sa susunod na henerasyon—para sa batang tulad ko, at para rin sa batang tulad mo.