06/09/2025
𝑺𝒊𝒔𝒊𝒓𝒊𝒏 𝒂𝒏𝒈 𝑲𝒂𝒃𝒂𝒏 𝒏𝒈 𝑩𝒂𝒚𝒂𝒏
Ni: Arrianne Gabrielle Reyes
Sa kasalukuyang panahon, hindi lamang baha ang pumapalibot sa atin kundi pati na rin ang mga isyung tila walang katapusan—mga isyung pilit na pinagtatakpan kahit na may mga resibong nakalatag. Tila katulad ito ng kahinatnan ng mga Pilipinong sinalanta ng baha. Sa panahon ngayon, tanging mga buwaya lang ang nakalutang.
Matinding iginigiit ng mga netizens na ang mga contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay sangkot umano sa korapsyon. Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 28, 2025, ibinalita niyang ang nakalatag na pondo para sa flood control projects ng kanyang administrasyon ay umabot umano sa ₱500 bilyon para sa sampung malalaking proyekto sa loob ng susunod na 13 taon. Subalit, sa kabila nito, ilang beses nang nalubog sa baha ang iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Kaya’t nananatiling tanong: Bakit matindi pa rin ang pagbaha? Saan napunta ang perang mula sa buwis ng taumbayan?
Maliwanag na may problema sa implementasyon ng mga proyektong ito. Ang bilyon-bilyong pondong inilaan para sa flood control ay tila hindi umaabot sa tamang lugar o hindi nagagamit nang maayos. Noong Agosto 2025, inilunsad ng Senado at ng House of Representatives ang isang malaking imbestigasyon laban sa mga anomalya sa flood control projects ng DPWH. Lumitaw dito ang mga ghost projects—mga proyektong parang bula, may pondo ngunit walang nakikitang resulta. Halimbawa, sa Bulacan, may mga kontratang nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso na pinaghihinalaang hindi naman talaga naisakatuparan.
Bukod dito, lumabas din ang mga kaso ng license renting, kung saan ang mga AAA at AAAA-rated na lisensya para sa mga kontratista ay inuupa ng mas maliliit na kumpanyang walang sapat na kapasidad. Dahil dito, nagiging substandard ang mga materyales at konstruksyon na ginagamit sa mga proyekto. Isa pang kontrobersya ang lumitaw kaugnay ng conflict of interest sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), na siyang nangangasiwa sa lisensya at regulasyon ng mga kontraktor. Dalawang mataas na opisyal ng PCAB—na sabay ring presidente ng mga kumpanyang kontraktor—ay nasangkot umano sa mga proyekto ng DPWH habang nanunungkulan pa sa naturang ahensya. Ito ay labag sa Republic Act 6713 na naghihimok ng integridad at pag-iwas sa conflict of interest ng mga lingkod-bayan.
Samantala, may iilang malalaking kontraktor na tila monopolyo ang hawak sa halos ₱100 bilyong pondo mula sa DPWH, na nagdudulot ng kawalan ng patas na kompetisyon sa merkado. Ang Commission on Audit (COA) ay nagsampa na ng mga kaso laban sa mga opisyal ng DPWH at mga kontraktor na sangkot sa mga anomalya, kabilang ang ghost projects at paggamit ng substandard materials.
Bilang tugon, nagsimula ang malawakang paglilinis sa DPWH. Umabot sa 250 opisyal, kabilang ang dating kalihim na si Manuel Bonoan, ang nagbigay ng courtesy resignation. Pansamantalang pinamunuan ni Vince Dizon ang ahensya, na agad naglunsad ng mabilisang pag-audit at mga reporma. Kabilang dito ang permanenteng pag-blacklist sa mga kontratistang sangkot sa ghost at substandard projects. Ipinahayag ni Dizon na hindi tatanggapin ang mga lumalabag sa batas at nakatakdang baguhin ang sistema, lalo na ang PCAB, na matagal nang pinupuna dahil sa conflict of interest ng mga miyembro nito.
Gayunpaman, patuloy ang usapin tungkol sa impluwensya ng politika sa mga proyekto ng DPWH. May mga paratang na malakas na politiko ang may sariling interes at koneksyon sa mga kontraktor. Isang kongkretong halimbawa nito ang paglahok ng pamilya ni Senador B**g Go sa mga proyekto sa Davao Region, na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado.
Ang mga isyung ito ay hindi lamang usapin ng pera kundi usapin ng buhay at kaligtasan ng mga Pilipino. Kapag pumalpak ang flood control projects o kung ito ay ginawang bulok, ang mga komunidad ang direktang nagdurusa tuwing bumabaha. Nawawala ang ari-arian, nasisira ang kabuhayan, at higit sa lahat, nanganganib ang buhay ng mamamayan.
Tila isang dambuhalang baha ng korapsyon ang bumalot sa DPWH—isang pagbaha na kailangang harapin nang buong tapang upang hindi tangayin ang integridad ng gobyerno. Higit sa lahat, ang mga mamamayan ay may karapatang humingi ng panibagong pag-asa—isang sistemang tapat, walang bahid, at tunay na naglilingkod para sa kapakanan ng bayan.
Panahon na upang alisin sa tubig ang mga buwayang ito at itaguyod ang liwanag ng katotohanan sa harap ng unos. Ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa ating pagiging mapanuri at masigasig sa pagsubaybay sa bawat proyekto ng gobyerno. Sama-sama nating panagutin ang mga may hawak ng kapangyarihan, ipaglaban ang karapatan ng mga nasalanta, at tiyakin ang maayos at mabilis na implementasyon ng mga programang magbibigay-proteksyon sa bayan.
Ang tunay na pagbabago ay magsisimula lamang kapag ang buwis ay ginastos nang may katapatan at para sa kapakinabangan ng lahat—hindi lamang para sa iilan. Hindi dapat sinisisid ang kaban ng bayan.
Cartoon by: Kian Appari
Graphics by: Teatephi Macaraeg