28/02/2026
♥️
SA LIKOD NG CAMERA: ISANG ANAK, ISANG ALAALA, ISANG INGGIT
Pumasok ako sa gymnasium ng Mabini National High School, hawak ang aking camera, at agad kong naamoy ang matamis na halo ng nostalgia at saya sa hangin. Ang mga alumna at alumni, mga dating kaklase at kaibigan ni Mama, ay nagkikiyaw, nagtatawanan, at nagbabalikan ang mga kwento na parang kahapon lang nangyari. May mga yakap na mahaba, may halakhak na umaabot sa kisame, at may mga mata na namumula sa tawa at alaala.
Masaya ako. Oo, masaya. Pero kasabay ng bawat ngiti at bawat kuha ng litrato, unti-unti ring sumisirit ang kakaibang damdamin sa puso ko: inggit.
Hindi para sa akin ang inggit na iyon. Hindi ako ang gustong dumalo—ang inggit ko ay para sa Mama. Para sa aking Ina na nasa Taiwan ngayon, OFW, nagtratrabaho nang husto para sa aming pamilya. Sana nandito siya. Sana kasama namin siya, nakikihalubilo sa tawanan at kwento, nakikibahagi sa mga alaala na dati’y bahagi ng kanyang bawat araw sa MNHS. Sana ramdam niya muli ang init ng samahan, ang halakhak ng mga kaibigan, at ang mga simpleng kalokohan na minsan ay nagbigay kulay sa kanyang kabataan.
Habang ini-frame ko angiba na nagkukuwentuhan sa stage, ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Nakikita ko ang kanilang tuwa, at naiisip ko kung gaano kasaya si Mama noon. Naaalala ko ang mga kwento niya sa bahay—kung paano sila nagkakalokohan sa hallway, nagtatakbuhan sa quadrangle, at nagtatawanan sa bawat simpleng bagay. Ngayon, narito ako, tanging anak niya, nakikita lamang ang lahat mula sa likod ng lente. Ang camera ko ang tanging tulay para maramdaman niya ang sandaling ito.
May pagkakataon na huminto ako sa pagkuha ng litrato. Tumigil ako, nag-obserba, at pinagmamasdan ang bawat mukha. Nakita ko ang mga mata ng kanyang mga kaibigan, kumikislap sa saya at alaala. Napatingin ako sa stage kung saan may mini program—isang sketch, isang paalala ng kabataan nila noon. Ang bawat halakhak ay parang echo ng nakaraan ni Mama. At sa isang iglap, tumulo ang luha ko. “Mama… sana nandito ka,” bulong ko sa hangin.
Habang naglalakad ako sa gym, nakikita ko ang mga lumang kaklase na nag-uusap, nagkukuwentuhan, at nagbabalik sa bawat sandali ng kanilang kabataan. Ang amoy ng pabango, ang tunog ng tawa, ang kulay ng dekorasyon—lahat ay tila bumabalik sa oras at nagdadala ng alaala ni Mama sa bawat sulok ng lugar. Nakaramdam ako ng halo-halong saya at lungkot. Ang saya sa muling pagkikita ng mga alumni, at ang lungkot dahil ang taong talagang gusto kong makasama, si Mama, ay wala roon.
Lumapit ako sa photo booth kung saan nagsasama-sama ang iba't ibang grupo. Ang bawat click ng camera ay parang nagliligtas ng isang sandali—isang halakhak, isang yakap, isang kwento. Ang inggit ko ay sumisirit sa puso ko—na sana ay naroon si Mama, nakasama ang kanyang mga kaibigan, nagbabahagi ng halakhak at luha, at muling naranasan ang init ng kabataan na dati’y bahagi ng kanyang pang-araw-araw na buhay.
Ngunit sa halip na malugmok, pinili kong gawing inspirasyon ang bawat eksena. Ang bawat litrato na aking nakukuhanan ay naging mensahe para sa kanya, isang sulat na hindi ko masabi sa salita. Para maramdaman niya ang kagalakang iyon, kahit nasa malayo siya. Ang bawat frame ay paalala na kahit malayo siya, bahagi pa rin siya ng bawat halakhak at kwento sa MNHS.
Habang ginaganap ang programa, palakad-lakad ang mga alumni, ramdam ko ang kakaibang katahimikan. Ang saya, nostalgia, inggit, at pagmamahal ay naghalo sa isang emosyon na mahirap ipaliwanag. Ngunit alam ko ang isang bagay: sa bawat litrato, sa bawat sandali, naroroon siya. Ang bawat ngiti, bawat yakap, bawat halakhak ay nagdadala sa kanya pabalik sa kanyang kabataan, kahit sa distansya.
Sabi nga ng isa sa mga kinapanayam namin na dumalo sa pagtitipon, ang Alumni Homecoming ay higit pa sa reunion. Ito ay tungkol sa alaala, pagmamahal, koneksyon, at pangungulila.
Para sa akin, ang inggit, minsan ay hindi lamang lungkot—ito rin ay pagmamahal. Isang pagmamahal para sa isang Ina, para sa kanyang kabataan, at para sa bawat sandaling sana ay kasama ko siya, ramdam ko siya, at muling naranasan nila ang MNHS sa pamamagitan ng bawat kuha ng camera ko.
Lathalain ni Francis Ian D. Galano
Patnugot ng Isport
Kuhang Larawan ni Crispin Vincent A. Contawe
Patnugot ng Balita