24/07/2026
Ganito Mamasyal ang Isang Autism Family 💙
Kami: 'Ilabas naman natin si Wyan. Matagal na siyang hindi nakakapasyal at nakakalabas ng bahay. (Hindi namin kasama si Worth kase may pasok pa sya)
Dinala namin siya sa SM.
Pagpasok pa lang, talon na nang talon, palakpak nang palakpak. Ang sayang makita syang masaya.
Parang bawat ilaw, bawat tao, bawat sulok ay isang bagong adventure.
Pagdaan sa Candy Corner, agad siyang humingi ng lollipop. Siyempre, paano namin matitiis ang ngiti niyang kay tamis?
Maya-maya, napadaan kami sa isang fresh juice stall. Bigla kaming sinitsitan. Paglingon namin, sabay turo nila kay Wyan. May nadampot na pala siyang isang KIWI. Agad naming ibinalik at humingi ng paumanhin.
Dahil madumi na ang mukha nya dahil sa lollipop, inabutan ko siya ng wet wipes. Marunong naman sya magpunas ng mukha. Ilang hakbang pa, nakita naming ipinahid na pala niya ang maduming wet wipes sa salamin ng isang tindahan. Humingi kami ng paumanhin.
Kumain kami ng lunch sa isang fastfood. Masaya siya. Sobrang saya. Kaya napapasigaw siya. May mga matang nakalingon. Pero kami... ngumiti lang. Dahil alam naming ang bawat sigaw niya ay wika ng kaligayahang hindi niya kayang ipaliwanag.
Bago umuwi, tumingin si Daddy ng motor para sa kapatid niya. Habang kausap namin ang tindero, muli kaming sinitsitan.
Paglingon namin...
Si junjun ni Wyan nakapuwesto na pala sa harap ng isang motor. Handa na sanang ihian ang display. Mabuti na lang at naabutan namin. Humingi kami ng paumanhin.
Ganito mamasyal ang isang autism family.
Hindi ito laging madali. Maraming "sorry." Maraming matang nakatingin. Maraming hindi inaasahang eksena.
Pero sa likod ng lahat ng iyon, naroon ang mga palakpak na puno ng tuwa, ang mga talon na puno ng excitement, at ang mga ngiting nagpapaalala sa amin na sulit ang bawat pagod.
Hindi man perpekto ang bawat lakad namin, pero bawat araw na nakikita naming masaya si Wyan ay isang tagumpay na hindi nasusukat ng kahit ano.
Kaya kung sakaling makakita kayo ng isang batang kagaya ni Wyan, sana ang una ninyong ialay ay hindi paghusga... kundi pag-unawa.
Dahil para sa amin, ang bawat simpleng pamamasyal ay isa nang malaking tagumpay. 💙