01/09/2026
28th Tuna Festival sa General Santos City, Opisyal nang Binuksan sa Isang Makulay at Ligtas na Ceremonya
Opisyal nang pinasinayaan ang pagbubukas ng 28th Tuna Festival ngayong gabi, Setyembre 1, 2026, na ginanap sa City Hall Drive. Dinaluhan ang makulay na kaganapan ng iba't ibang opisyal ng lungsod, mga panauhin, at mga mamamayan upang ipagdiwang ang taunang kapistahan ng "Tuna Capital of the Philippines."
Nanguna sa naturang pagtitipon sina City Mayor Lorelie Geronimo Pacquiao, City Councilor at Chairperson ng Committee on Tourism Michael Pacquiao, at Majority Floor Leader Richard L. Atendido. Naging tampok sa seremonya ang tradisyunal na paghiwa sa isang malaking sariwang tuna bilang simbolo ng pormal na pagbubukas ng pagdiriwang, na sinundan ng makulay na fireworks display at mga pagtatanghal mula sa mga lokal na grupo tulad ng Bahandian, Team Indayog, GenSan Youth Orchestra, at Saliw Dance Troupe ng Fatima NHS.
Dumalo rin sa pagtitipon ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) Schools Division of General Santos City sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Isagani S. Dela Cruz, kasama ang iba pang mga matataas na opisyal at kinatawan ng kagawaran. Ang kanilang pagdalo ay nagpapakita ng matibay na pakikipagtulungan ng sektor ng edukasyon sa mga pangkultura at pampamahalaang aktibidad ng lungsod.
Upang matiyak ang seguridad ng buong paligid at ng mga dumalo, nagpatupad ng mahigpit na pagbabantay ang mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) at iba pang mga security force. Makikita ang sapat na bilang ng mga awtoridad sa paligid ng venue upang magpanatili ng kaayusan habang nagpapatuloy ang mga pagtatanghal at ang panggabing kaganapan ng Musikatuna.
Naging payapa, maayos, at matagumpay ang buong seremonya ng pagbubukas habang inaasahan ang mas marami pang mga nakahanay na aktibidad sa mga susunod na araw ng festival.