24/09/2025
๐ข๐ฃ๐๐ก๐ฌ๐ข๐ก | ๐๐๐ป๐ด ๐ก๐ฎ๐ฑ๐ฎ๐ด๐ถ๐, ๐ ๐ฎ๐ด๐ฎ๐น๐ถ๐
Tunay namang nakangingitngit ang patuloy na pagkaratay natin sa sakit na kumikitil sa ating bayan. Kung ikaw ay papikit-pikit, siguradong ikaw ay masasadlak sa tunay na pait.
Isang malawakang kilos-protesta ang idinaos noong ika-21 ng Setyembre 2025 na binansagan din bilang 'Trillion Peso March'. Layunin nito na tuligsain at manawagan sa bawat pananagutan ng mga tiwaling nasa kapangyarihan mula sa ating pamahaalan. Tinatayang higit sa 50,000 na mamamayang Pilipino ang nagbigay-boses para sa kampanyang ito. Iba't ibang anyo rin ng panawagan at pangangalampag ang nasilayan sa pag-aaklas na ito. Mayroong idinaan sa pagpapatawa, nariyan din ang nanawagan sa mahinahon na paraan, at mayroong ibinuhos ang kani-kanilang tahasang galit sa pamamagitan ng pagsigaw sa welga.
Maraming mukha ang nakita sa kaganapang ito. Nasaksihan dito ang ilang mga kilalang nasa industriya ng pag-aartista. Naroon sina Vice Ganda, Gabby Garcia, Catriona Gray, Jessica Soho at iba pa. Bagama't hindi nakadalo ang ilan sa kanila, nagpakita rin naman ng taos-pusong pagsuporta ang mga kilalang personalidad sa kanilang mga social media accounts. Inulan din ng samu't saring komento ang ginawa ni Vice Ganda nang pangunahan niya paghiyaw sa entablado. Matatandaang nagbitiw ng ilang matatalim na salita si Vice patungkol sa mga magnanakaw ng ating kaban. Ito'y lantaran niyang pinagmumura sa harap ng madla, saksi maging ang mga alagad ng simbahan.
Lubhang mapapaisip na lamang tayo na bakit kailangan humantong sa masahol na pangangalampag ang pagtawag ng pansin sa kanila? Hindi ba't sobra na kaya't marami na ang umiimik at pumapalag? Maraming hamak na mamamayan na rin ang nakiisa rito, na siyang patunay na malala na. Maging ang mga may marangyang buhay na may pakialam sa estado ng ating bansa ay nagbigay-suporta rin. Idinawit na rin ng simbahan ang kanilang sektor upang makiisa, patunay lamang na marapat nang may mangyari. Kung susumahin, apektado na ang lahat. Dapat sa nagkakaisang tinig na ito, kayong mga pabaya, magnanakaw, mamamatay-tao, ay dapat nang manginig.
Kahit sino ay mawiwindang sa hindi makatarungang paglulustay ng ating kaban. Nakapanghihina ang tala ng Department of Finance (DOF) na nasa pagitan ng โฑ42.3 bilyon hanggang โฑ118.5 bilyon ang naging 'economic loss' ng ating bansa dahil sa mga ghost flood control projects mula 2023 hanggang 2025. Paano nila naaatim na magkandarapa sa salaping dapat ay nagagamit upang magbigay-solusyon sa mga suliranin ng Pilipinas? Malinaw naman ang epekto nito. Marami ang nawawalan at nasisiraan ng kabuhayan dahilan ng kakulangan, at ang masaklap, marami rin ang nakikitlan dahilan ng kanilang kapabayaan.
Hindi dapat pigilin ang masidhing damdamin ng mga pumipiglas. Kahit sino ay may karapatang magalit. May saysay kung bakit ang madla ay nag-iingay. Kapag sabay-sabay na kumilos ang mamamayan, mula sa ordinaryo hanggang sa makapangyarihan, mula sa kabataan hanggang sa simbahan, malinaw ang mensahe: tapos na ang katahimikan. Ang pag-aaklas ay hindi rebelyon, at ang protesta ay hindi kasalanan. Ang mali ay yaong dahilan kung bakit napipilitang lumaban ang taumbayan. Sa harap ng pandarambong, kapabayaan, at pang-aapi, lalo lamang titindi ang apoy ng paglaban. Kung nadagit ang ating yaman at dangal, marapat lamang na magalit, at ang galit na ito, kapag pinagsama ay magiging puwersang hindi kayang supilin ng sinumang tiwali.
Via Cervy Ramos, The CvSU-CCAT Nexus
Graphics by Vaughn Magsino