29/10/2025
| 𝐊𝐮𝐧𝐠 𝐒𝐚𝐚𝐧 𝐍𝐚𝐭𝐮𝐭𝐨𝐧𝐠 𝐌𝐚𝐧𝐠𝐚𝐫𝐚𝐩 𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐠𝐡𝐚𝐦
Sa bawat halakhak na pumapailanlang sa himnasyo, sa bawat hakbang na humahalik sa lumang pasilyo, dama ko ang tibok ng pusong sabay na sabik at nostalhik. Ngayong ika-27 Foundation Anniversary ng Pisay-Bikol, tila bumabalik ang lahat ng alaala: ang mga gabing puno ng gawain, ang mga tawanan sa dormitoryo, at ang mga sandaling akala ko ay hindi ko na kakayanin. Sa hangin, may halimuyak ng mga panahong nagdaan; sa bawat ngiti, may mga kuwentong ayaw ko nang kalimutan.
Hindi ko man nasaksihan ang unang taon ng Pisay-Bikol, nadarama ko pa rin ang ugat ng pinagmulan nito: ang sigasig ng mga unang g**o, ang tapang ng mga unang iskolar, at ang paniniwalang ang agham ay hindi lamang para sa katalinuhan, kundi para rin sa paglilingkod. Sa bawat sulok ng kampus, tila naroon pa rin ang kanilang mga yapak—mga yapak na unti-unti kong sinusundan bilang isa ring iskolar ng bayan.
Minsan, iniisip ko kung ano nga ba talaga ang natutunan ko rito. Oo, marunong na akong manaliksik, kumuha ng maayos na datos, at magsulat ng akademikong papel. Pero higit pa roon, tinuruan din ako ng Pisay kung paano mangarap—mangarap kahit minsa'y nakakapagod, mangarap sa gitna ng takot at duda sa hinaharap, mangarap hindi lamang para sa sarili, kundi para rin sa mga taong umaasa sa akin. Sa bawat eksperimento at proyekto, natutunan kong ang agham ay hindi lamang tungkol sa paglagay ng mga konsepto sa utak—ito ay tungkol sa mga tao at sa pag-asang dala ng bawat pagtuklas. At sa paglipas ng panahon, napagtanto kong hindi lamang ako natutong magmahal sa agham; unti-unti ko na rin itong isinasabuhay. Sa daloy ng aking pag-iisip, sa disiplina ng aking kilos, at sa pagnanais kong makatulong sa iba, ako’y nagiging patunay na ang agham ay buhay, at nananahan ito sa mga taong patuloy na nangangarap.
Ngayon, habang pinagmamasdan ko ang mga batang bagong salta sa Pisay, nakikita ko ang sarili ko sa kanila; puno ng pangarap at kaba, ngunit kakayaning harapin ang anim na taon para sa magandang kinabukasan. At sig**o, balang araw, sila naman ang magpapatuloy ng diwang minsan kong pinanghawakan. Gaya ng mga nauna sa akin, ako man ay magiging alaala na lamang balang araw—isa ako sa mga yapak na susundan ng mga susunod na iskolar.
Dalawampu’t pitong taon na ang Pisay-Bikol at patuloy pa rin itong nagsisilbi bilang tahanan ng mga batang nangangarap. Dito ako unang natutong maniwala na may saysay ang bawat pagsisikap. Dito ko unang naramdamang ang “science for the people” ay hindi lamang isang islogan; ito ay pangako, isang pangakong dadalhin ko kahit saan ako mapunta.
At kapag natapos na ang kasiyahan, kapag natahimik na ang kampus, mananatiling malinaw sa akin ang katotohanang ang Pisay ay hindi lamang paaralan. Isa itong paalala ng pinanggalingan, mga taong nagpatatag sa akin, at mga pangarap na patuloy kong isusulong. Dito nagsimula ang lahat—ang pagkahilig sa agham, ang tapang na harapin ang kabiguan, at ang pag-asang balang araw ay magkapag-aambag ako sa mundong ito.
Dito ako natutong mangarap.
At sa bawat pagbalik, maririnig pa rin ang parehong bulong ng hangin na minsan ay nagpalamig sa mainit na panahon ng nakaraan. Dito nagsimula ang iyong paglalakbay. Dito ka rin laging may uuwiang tahanan—tahanang bubuo sa iyong anim na taong buhay sa Pisay.
via Gian Hinayon at Vian Quiñones | Arab-Adab