24/10/2023
Depressed ka? "Tatagan mo ang loob mo!" "Noong panahon namin wala namang ganyan." "Hina mo naman!"
Kaibigan, talakayin natin ang depresyon.
Ang “depression” ay mayroong iba-ibang sanhi. Maaari itong maging resulta ng mga hindi kanais-nais na pangyayari sa buhay ng isang tao. Maaari rin itong maging produkto ng mga pagbabagong kemikal sa utak gaya ng pagbaba ng serotonin at norepinephrine. Ang nakikita sa social media ay maaari ring maka-apekto sa mental health ng isang tao. Pressure na makasabay sa makabagong panahon at inggit ang karaniwang mga sanhi. Ito ay problema hindi lamang ng kabataan kundi pati na ng mga nasa wasto ng wisyo.
Malaki ang agwat ng pang-unawa nang mga kabataan at matatanda ukol sa usaping depresyon. Para sa mga kabataan, ito ay seryosong problema na kailangan ng karampatang solusyon. Kadalasang pinagkikibit-balikat naman ito ng ilang nakatatanda at tinuturing lamang na halimbawa ng kahinaan ng modernong kabataan. Dito sila nagkakamali.
Ang depresyon at matinding kalungkutan ay umiiral na noon pang mga panahon ni Kristo. Halimbawa, si Jonas ay galit na galit nang makitang agad na napatawad ni Hesukristo ang mga makasalanan sa Nineveh. Dahil naramdaman niya na nabalewala ang pangangaral niya roon nang madaliang nagpatawad si Hesus, kanyang nasambit, "Mabuti pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay!" (Jonah 4:3) Si Job, nang dahil sa matinding gutom at sakit, noon ay nagsabi, "Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinaka-a-ayawan ko ang dumating sa akin. Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan, kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan." (Job 3:25-26) Ganoon din ang dakilang propertang si Jeremias, na sa kadahilanan ng matinding kalungkutan ay nakapagsabi, "Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap, kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?" (Jeremiah 20:18) Patunay lamang ang mga talinhagang ito na ang problema ng depresyon ay hindi lamang gawa-gawa at halimbawa ng kahinaan nang mga kasalukuyang tao.
Sa iyo na nakararanas ng lungkot at depresyon sa mga panahong ito, ikaw lamang ay kumapit. Ang pangako ng Diyos sa iyo ay buhay. "Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso, at tinutulungan Niya ang mga nawawalan ng pag-asa." (Psalms 34:18)
Huwag kang sumuko sa kabila ng bawat suliranin. Sumangguni sa isang healthcare professional na makakatulong sa iyong kondisyon. Lumapit sa pamilya at kaibigang maasahan. Kung wala sa mga ito ang makakatulong, tumingin lamang sa itaas at taimtim na hingin sa Kanya ang gabay at katatagan upang malampasan ang bawat pagsubok.
Isang mapagpalayang Martes!