11/10/2025
๐ณ๐ฐ๐ป๐ฌ๐น๐จ๐น๐ฐ | ๐บ๐จ ๐ณ๐ฐ๐ณ๐ฐ๐ด ๐ต๐ฎ ๐ท๐จ๐ฒ๐ท๐จ๐ฒ
isinulat ni Cha Eun Woo
Sa ibabaw ng matandang puno, isang inahing ibon ang marahang pinapakain ang munting inakay. Sa bawat butil ng uod na iniaabot niya, naroon ang pag-asang matutong lumipad ang kanyang anak, hindi ngayon, marahil bukas, o sa makalawa. Araw-araw niya itong tinuturuan, kung paano ipadyak ang mga paa sa sanga, kung paano ipadyanig ang mga pakpak, kung paano damhin ang hangin bilang kaibigan, hindi bilang panganib.
Tahimik lang ang inakay, nakikinig, sumusunod, natatakot. Ngunit hindi sumuko ang ina. Sa bawat pagdapa ng anak, sinasalubong niya ito ng halik ng pag-aaruga, at sinasabi, โLumipad ka, anak, hindi para iwan ako, kundi para matupad ang dahilan kung bakit kita pinalaki.โ
Hanggang isang umaga, nang masanay na ang inakay sa dampi ng hangin, ibinuka nito ang pakpak, maliit pa, nanginginig, ngunit buo ang loob. Mula sa sanga, tumalon siya. Unaโy pabagsak, ngunit di naglaon, sumalo ang hangin, at siyaโy lumipad. Mula sa ibaba, pinagmamasdan ng inang ibon ang anak na unti-unting nagiging isa sa langit.
Lumipas ang mga araw. Ang batang ibon ay naging ganap. Sanay nang sumagap ng hangin, sanay nang manghuli ng pagkain. Ngunit sa bawat paglipad niya, bihira na siyang bumalik sa puno, sa pugad na minsang naging kanlungan niya.
Isang dapithapon, sa gitna ng bughaw at gintong langit, napansin niyang tila tahimik na ang punong iyon. Lumapit siya, bumaba, at nakita ang pugadโwasak na, walang laman. Ang inang ibon, marahil ay lumisan na sa pagod ng mga taon.
Doon, napaluha ang ibon, sapagkat noon lamang niya naunawaanโhindi kailanman paglipad ang sukatan ng tagumpay, kundi ang kakayahang alalahanin kung sino ang nagturo sa ating lumipad.
At sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, iniangat niya ang tingin sa langit at ibinulong,
โMaraming salamat, ina. Sa bawat paglipad ko, dala ko ang iyong pakpak.โ