09/07/2025
Habagat, Patuloy na Nagpapaulan sa Malaking Bahagi ng Pilipinas; PAGASA, Nagbabala ng Pagbaha at Landslide! 🌧️☔
Ayon sa pinakahuling daily weather forecast ng PAGASA ngayong Miyerkules ng hapon, patuloy na nararanasan ang pag-ulan sa iba't ibang bahagi ng bansa dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Pana-panahong pag-ulan ang asahan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Antique.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat naman ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, ang nalalabing bahagi ng Western Visayas, mainland Cagayan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Palawan, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, at Sarangani.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.
Mga Dapat Paghandaan:
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides, lalo na sa mga lugar na kilalang vulnerable sa mga pag-ulan.
Kondisyon ng Hangin at Karagatan:
Katamtaman hanggang malakas na hangin na may katamtaman hanggang maalong karagatan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon.
Magaang hangin hanggang katamtaman na may bahagya hanggang katamtamang alon sa baybayin para sa nalalabing bahagi ng bansa.
Patuloy pong maging alerto, laging mag-ingat, at manatiling nakatutok sa mga abiso ng PAGASA at lokal na awtoridad.