30/09/2025
Lindol na Magnitude 6.9, Tumama sa Visayas; Pinsala at Kaswalti, Ibinunga
Isang malakas na lindol na may lakas na Magnitude 6.9 ang yumanig sa Central Visayas noong gabi ng Martes, Setyembre 30, 2025, na nagdulot ng malaking pinsala at ikinamatay ng ilang indibidwal. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at US Geological Survey (USGS), ang epicenter ng pagyanig ay naitala malapit sa dalampasigan ng Cebu Province, sa mababaw na lalim na 10 kilometro, kaya't mas matindi ang pagkakaramdam nito. Agad na naglabas ang PHIVOLCS ng Tsunami Advisory dahil sa posibilidad ng minor sea-level disturbance at malalakas na agos, bagamat kinumpirma ng Pacific Tsunami Warning Center na walang major tsunami threat.
Pinsala sa Istruktura at Kuryente
Malawak ang naitalang pinsala lalo na sa hilagang bahagi ng Cebu. Kabilang sa mga nasira ang ilang makasaysayang gusali at simbahan, kung saan ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan ay bahagyang bumagsak. Nag-ulat din ng pinsala sa mga tulay at ilang establisyimento sa iba’t ibang bayan. Bukod dito, naapektuhan din ang suplay ng kuryente matapos mag-trip ang ilang transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at nagkaroon ng damage ang Daanbantayan Substation malapit sa epicenter.
Apektado at Aftershocks
Naitala ang pinakamalakas na pagyanig sa Cebu City at Villaba, Leyte, na umabot sa Instrumental Intensity VI. Nagdulot ito ng matinding takot at paglabas ng mga residente patungo sa mga open areas. Nagkaroon din ng kumpirmadong isang nasawi at ilang sugatan sa mga bayan ng Medellin at San Remigio sa Northern Cebu. Upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, nag-anunsiyo ang ilang Local Government Units (LGUs) sa Cebu at Bohol ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas ngayong Miyerkules. Nagpaalala naman ang mga awtoridad na manatiling alerto dahil inaasahang magpapatuloy ang mga aftershocks sa mga susunod na araw.