15/07/2026
Panukala sa Paglilipat ng Organization Shirt Day sa Huwebes
Nagsasagawa ng konsultasyon ang Committee on Student Groups (CSG), kasama ang Academic Affairs Committee at ang Students’ Rights and Welfare Committee (SRW), upang alamin ang suporta ng mga estudyante sa panukalang ilipat ang itinakdang Organization Shirt Day ng unibersidad mula Biyernes patungong Huwebes.
Layunin ng panukalang ito na tugunan ang epekto ng online classes tuwing Biyernes sa pagpapakita at pagtataguyod ng mga kinikilalang student organization at ng kanilang mga opisyal na organization shirt.
Ayon kay Student Governor Aubrey Shanley Santos, isinulong ang panukala dahil kasalukuyang isinasagawa ang online classes tuwing Biyernes, na siyang nakatakdang araw para sa pagsusuot ng organization shirt.
“Since nalipat ng online class ang Friday, and then iyon ang schedule ng organization shirt, we propose, sa pangunguna ng Committee on Student Groups together with the Students’ Rights and Welfare Committee, na magkaroon ng consideration na Thursday na lang ang pagsusuot ng organization shirt,” ani Santos.
Sinabi rin ni Santos na suportado ng Local Student Council ang naturang panukala dahil makatutulong ito sa mga estudyante na maipakita ang kanilang organisasyon sa loob ng kampus.
“As a Local Student Council, sinusuportahan natin ang paglo-lobby nito dahil naniniwala tayo na each student can represent their course or department through their respective organizations by wearing the organizational shirt. Para na rin ito sa convenience ng mga students since Wednesday and Friday lang ang wash days na allowed ang civilian attire,” dagdag niya.
Sa pamamagitan ng konsultasyong ito, inaasahan ng mga komite na masukat ang pananaw at antas ng suporta ng mga estudyante hinggil sa mungkahing paglilipat ng Organization Shirt Day sa Huwebes. | Yzavel Reyes, Piscatores