02/08/2025
𝐊𝐨𝐥𝐞𝐡𝐢𝐲𝐨 𝐧𝐠 𝐄𝐝𝐮𝐤𝐚𝐬𝐲𝐨𝐧, 𝐈𝐬𝐢𝐧𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚 𝐚𝐧𝐠 𝐈𝐤𝐚𝐥𝐚𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐚𝐰 𝐧𝐠 𝐎𝐫𝐲𝐞𝐧𝐭𝐚𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐌𝐚𝐠-𝐚𝐚𝐫𝐚𝐥 𝐬𝐚 𝐔𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐓𝐚𝐨𝐧; 𝐄𝐝𝐮𝐜𝐚𝐭𝐨𝐫𝐬’ 𝐆𝐮𝐢𝐥𝐝, 𝐍𝐚𝐧𝐠𝐮𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝐂𝐚𝐦𝐩𝐮𝐬 𝐓𝐨𝐮𝐫
Bilang bahagi ng pagpapalalim sa kaalaman at pagkakakilanlan ng mga mag-aaral sa institusyon, matagumpay na isinagawa ang ikalawang araw ng oryentasyon ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Iloilo Science and Technology University na ginanap sa ISAT U Multipurpose Educational Center, Agosto 1.
Pinangunahan ito ni Dr. Alex B. Facinabao, Kawaksing Dekano ng Kolehiyo ng Edukasyon, na nagbigay ng pambungad na pananalita na nagsilbing hamon para sa mga bagong mag-aaral na tahakin ang landas ng propesyon bilang mga g**o at lider ng hinaharap, at tinalakay rin ang layunin ng oryentasyon na siyang naging gabay sa kabuuang daloy ng programa.
“Your arrival marks the exciting start of your journey as [a] future educator and leader,” saad ni Dr. Facinabao.
Samantala, isa sa mga pangunahing bahagi ng pagtitipon ang pormal na pagpapakilala sa mga pinuno ng bawat departamento ng Kolehiyo ng Edukasyon, kasama ang mga g**o na nasa ilalim ng kanilang pamumuno. Kabilang dito sina Dr. Renelda Nacianceno (BEEd), Dr. Alex B. Facinabao (Secondary Teacher Education), Dr. Noli R. Mandario (Technical Teacher Education), G. John Lorence D. Camacho (Paaralang Laboratoryo), at Dr. Connie Faye Pajadura (Educators’ Guild). Layunin nitong ipakilala ang kaguruan at maipadama ang kanilang suporta sa mga mag-aaral bilang katuwang sa kolehiyo.
Nagbahagi naman si Dr. Natalie U. Gamuyao, COE Coordinator para sa National Implementation of the New General Education Curriculum (NIA), hinggil sa mahahalagang alituntunin, estruktura, at sistemang ipinatutupad sa ilalim ng bagong kurikulum. Kasunod nito, ipinaliwanag ni Ms. Maria Elena C. Villa, kinatawan ng ISAT U-CCPTA, ang papel ng College Coordinating Parent-Teacher Association sa pagpapaigting ng ugnayan sa pagitan ng mga magulang, g**o, at administrasyon.
Naghandog din ng isang pampasiglang bilang ang EchoED na nagbigay-aliw at panandaliang kasiyahan sa mga mag-aaral. Sinundan ito ng pampinid na pananalita mula kay Sean Miguel H. Moncera, Gobernador ng Educators’ Guild, na nanawagan ng aktibong pakikilahok, responsibilidad, at pagkakaisa sa hanay ng bawat mag-aaral.
Pagkatapos ng oryentasyon, isinagawa ang isang campus tour na pinangunahan ng mga lider-estudyante mula sa kolehiyo, na naglalayong ipakilala ang mga pangunahing pasilidad ng unibersidad. Sinundan ito ng halalan para sa mga opisyal ng bawat pangkat, na magsisilbing kinatawan nila para sa buong taon.
Sa kabuuan, ang oryentasyon at campus tour ay nagsilbing mahalagang hakbang sa paghahanda ng mga bagong mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon para sa mga inaasahang hamon, pagkakataon, at pananagutan bilang bahagi ng pamantasan at bilang mga g**o sa hinaharap na maaasahan ng sambayanan.
Sulat ni: Reyven Garcia
Kuha nina: Cyrus John Bastistin, Reyven Garcia