16/07/2025
𝐂𝐎𝐍𝐆. 𝐒𝐎𝐍𝐍𝐘 𝐋𝐀𝐆𝐎𝐍, 𝐈𝐓𝐈𝐍𝐀𝐍𝐆𝐆𝐈 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐊𝐀𝐊𝐀𝐃𝐀𝐖𝐈𝐓 𝐒𝐀 𝐌𝐆𝐀 𝐍𝐀𝐖𝐀𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐒𝐀𝐁𝐔𝐍𝐆𝐄𝐑𝐎
Mariing itinanggi ni Ako Bisaya Party-list Representative Sonny L. Lagon ang mga alegasyon ni Julie “Dondon” Patidongan na inuugnay siya sa umano’y grupong “Group A,” na sinasabing sangkot sa operasyon ng e-sabong at sa misteryosong pagkawala ng ilang sabungero.
Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Lagon na walang basehan ang mga paratang ni Patidongan at tinawag niya itong "mapanira, walang katotohanan, at naninira sa kanyang reputasyon" bilang isang lingkod-bayan at legal na gamefowl breeder.
Ayon sa kongresista, isa siyang lehitimong breeder mula pa noong 1998 at ilang ulit nang ginawaran ng parangal sa industriya ng sabong. Ang kanyang pakikilahok umano sa e-sabong ay limitado lamang sa legal at reguladong operasyon ng Lucky 8 Star Quest Inc., na may lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Binigyang-diin ni Lagon na wala siyang dinaluhang pagpupulong o diskusyong may kinalaman sa karahasan. Aniya, ang pagbibintang na sangkot siya sa anumang sabwatan ay isang malaking pagbaluktot sa kanyang katauhan.
Tinuligsa rin niya ang pagtawag sa kanya ni Patidongan na isang “iligalista,” na ayon sa kanya ay salungat sa katotohanang legal ang operasyon ng e-sabong sa ilalim ng PAGCOR. Binalikan din ni Lagon ang naunang pahayag ni Patidongan kung saan sinabi nitong walang mambabatas ang kasangkot sa pagkawala ng mga sabungero—na ngayon ay tinataliwas ng kanyang mga bagong pahayag.
Giit ni Lagon, ang kanyang panunungkulan sa Ako Bisaya Party-list ay nananatiling tapat at ayon sa batas, at hindi siya kailanman nasangkot sa anumang ilegal na aktibidad. Mariin din niyang kinokondena ang anumang uri ng karahasan.
“Sa kabila ng mga paratang, mananatili akong tapat sa paglilingkod sa publiko,” ayon kay Lagon, na nanindigang hindi siya matitinag ng anumang walang basehang paninira.
Matatandaang ibinunyag ni Patidongan ang umano’y pagkakasangkot ni Lagon sa tinatawag na “Alpha,” isang grupong sinasabing nasa likod ng malawakang operasyon ng high-stakes sabong at e-sabong sa bansa.
Si Patidongan, na mas kilala noon bilang testigong si “Totoy,” ay nagsabing isa si Lagon sa mga umano’y nakikinabang ng daan-daang milyong piso kada buwan mula sa iligal na online sabong at iba pang sugal. Ayon sa kanya, ang ilang miyembro ng grupo ay nakatatanggap umano ng P700 hanggang P800 milyon kada buwan, depende sa kani-kanilang share.
Dagdag pa ni Patidongan, dumalo si Lagon sa isang pulong kung saan diumano’y pinag-usapan ang pagpaslang sa ilang sabungerong nambibiktima o umaagaw ng kliyente mula sa grupo./
via | Jovelyn Satinitigan-Padin, XFM Cebu