
09/10/2025
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | ๐ฆ๐ฎ๐ฎ๐ป ๐น๐๐น๐๐ด๐ฎ๐ฟ: ๐๐ฎ๐ฏ๐ฎ๐๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐ป ๐ฝ๐ฎ๐ฟ๐ฎ ๐๐ฎ โ๐ฝ๐ฎ๐ด-๐๐๐๐ฎ๐ดโ ๐ป๐ด ๐บ๐ฒ๐ฟ๐ธ๐ฎ๐ฑ๐ผ
Palengke ang puso ng isang komunidad. Dito umiikot at bumabalik ang lahat ng mga produktong bumubuhay sa sambayanan. Ito ang bagsakan ng mga preskong isda, karne, gulay, prutas, at iba pa.
Lugar ang palengke upang makamura sa mga bilihin ang mga mamimili. Para sa mga manininda, pantustos sa pamilya ang nakataya sa bawat benta.
Nanatiling ganito ang sistema sa Iloilo Terminal at Central Market na naudlot lamang dahil sa pribatisasyon. Sa loob ng tatlong taon, taas-noong humarap ang mga maralitang vendor upang ipagtanggol ang merkadong nagpapakain sa buong lungsod.
๐ฃ๐ฎ๐ด๐ด๐๐ต๐ผ ๐ป๐ด ๐ธ๐ฎ๐ฏ๐๐ต๐ฎ๐๐ฎ๐ป
Isang karaniwang araw lang sana iyon sa palengke.
Abala sa pagtitinda ang mga tinderang kagaya ni alyas โBaby.โ May tawanan, tawaran, at tuloy-tuloy lang ang nakasanayang ikot ng buhay, hanggang sa dumating ang balita na kailangan nilang umalis, sapagkat gigibain ito at ire-renovate.
Ayon kay Baby, nang opisyal na ipahayag ang pagpribatisa ng merkado, walang naganap na konsultasyon o pakikipag-usap sa pagitan ng vendors at gobyerno.
Sa araw ng pagpapaalis, nakiusap sila na bigyan ng oras upang magligpit ng mga gamit at paninda. Subalit sa halip na konsiderasyon, kandado ang ibinigay sa kanila.
Pinatay ng mga opisyal ang kuryente. Dumilim ang buong merkado. Naiwan sa loob ang ibang gamit at panindang pinagpaguran ng mga vendor, at hanggang ngayon, hindi pa rin nila alam kung saan na napunta ang mga ito.
Dalawang taon na ang lumipas. Inilarawan ni Baby ang kaniyang kita mula P50,000 na ngayon ay P5,000 na lamang. Katulad ng marami, tinanggap na lang niyang wala siyang kapangyarihan upang igpawan ang estado ngayon, lalo na at hindi bababa ang mga mayayaman upang pakinggan ang mga mahihirap.
๐ฃ๐ฎ๐ป๐๐ป๐๐ฝ๐ถ๐น
Taong 2022 nang unang inanunsyo ni Mayor Jerry Treรฑas ang planong Public-Private Partnership kasama ang SM Prime Holdings para sa rehabilitasyon ng dalawang pangunahing pamilihan sa Iloilo City. Giniba at pinaalis pansamantala ang mga manininda mula sa mga orihinal na puwesto na ilang dekada nang nasa kanila.
Ang konstruksyon ay sinimulan noong Setyembre 18, 2023 na nagkakahalaga ng P1.5 hanggang 2.5 bilyon. Pinaniniwalaan ng lokal na pamahalaan na makatutulong ito sa turismo at ekonomiya.
Kapag nakapasok na ang mga vendor dito, madadagdagan ang kanilang renta. Ipinagbabawal din ang pagluluto, pag-imbak ng karne at isda, at paglalabas-pasok ng produktoโlahat ng itoโy dagdag pasanin sa mga nakasanayang gawi sa tradisyonal na wet market.
Nanguna ang The Association of Stall Owners and Transient Vendors sa pagsulong ng petisyong ipatigil ang proyekto, subalit ibinasura ito ng Regional Trial Court. Nakasaad sa desisyon na hindi nagpapakita ng meritorious grounds para sa pagpapalabas ng Temporary Restraining Order ang nasabing petisyon.
Bagamaโt gustong manawagan at sumali sa mga kampanya upang ibalik ang kanilang mga puwesto, nanaig ang takot nila.
โWala kang choice. Ano pa bang panawagan [ang maibibigay ko sa gobyerno]? Kasi kapag na-detect nilang nagsasalita ka, patay ka,โ pahayag ni Baby.
๐ฃ๐ฟ๐ฒ๐๐๐ผ ๐ป๐ด ๐ฝ๐ฎ๐ด๐ฏ๐ฎ๐ฏ๐ฎ๐ด๐ผ
Mula nang pinalayas ang mga vendor sa merkado, dumadagsang mga sasakyan ang sumasalubong sa kanila habang nagtitinda sa makitid na lansangan. Hindi lamang tawad mula sa mga mamimili at kalansing ng barya ang kanilang narinig, kundi pati ang umaalingawngaw busina ng trapiko.
Sa hindi kalayuan, nasilayan nila ang pagbabagong-anyo ng merkado, lalo na ang 80-anyos na harapan ng Central Market. Bagamaโt may mahabang kasaysayan ang estruktura, malayo na ito sa kung anong mayroon noonโmaluwag, may silong sa init at ulan, at may sariling espasyong nakalaan sa bawat vendor.
Ngayon, ang mga panindaโy nakatumpok, nakapatong, at pilit pinagsisiksikan sa maliliit na pwesto. Kahit kaunting ulan, baha agad ang kasunod. Ang dating konkreto at matibay na sahig ay napalitan ng tagpi-tagping kawayan, pinagdugtong ng mga pira-pirasong materyales para hindi tuluyang lumubog sa putik.
Iniinda ni alyas โCristita,โ 62 taong gulang, ang kanilang kalagayan sa bagong puwesto matapos silang mapaalis sa dati nilang pinagtitindahan ng isda at tahong.
โSang ginsaylo kami di, naglaw-ay na ang amon pangabuhian,โ saad niya.
Nakapanlulumo naman kung ilalarawan ni Russel Tan ang sinapit nilang paglipat ng puwesto. Hindi lang init at ulan ang kanilang tinitiis kundi ang pagbulusok paibaba ng kanilang kita.
Para kay alyas โManangโ na mula noong 1990 pa nagtitinda ng karne sa merkado, kalahati ang nawala sa kanilang kita.
โLain na gid [sang una] nga makakaon ka tatlo ka beses,โ aniya.
Kuwento naman ni Deddy Lavente, hindi na niya mahagilap at nagkalito na ang kaniyang mga suki.
โAng suki namon nagatalang-talang kon diin maagto,โ pahayag ni Lavente na nagtitinda ng saging mula pa sa Lambunao.
๐ ๐ฒ๐ฟ๐ธ๐ฎ๐ฑ๐ผ๐ป๐ด ๐๐ฎ๐น๐ฎ๐ป๐ด ๐ฝ๐๐๐ผ
Ang mga proyektong umaapak sa karapatan ng mga mamamayan sa pampublikong espasyo ay nagpapataba sa pitaka ng mga korporasyon. Sa gitna ng mga ito, nakatayo at nagbubulag-bulagan lamang ang Iloilo City Hall.
Hindi sapat ang ganda ng estruktura kung itoโy nakatindig sa pagkalugmok ng mga maralita. Hindi sapat ang pansamantalang lunas kung habang buhay silang magiging alipin sa mataas na bayarin sa renta.
Hindi ang tiles o kisame ng mall ang tunay na sukatan ng pag-unlad, kundi ang paglago ng daan-daang pangarap na binubuhay ng mumunting mga puwesto sa merkado.
Lathalain nina John Michael Baldove, Jullea Alyza Polaron, at Verna Crissa Villorente
Larawan at disenyo ni Danna Pauleen Perez