09/08/2026
๐๐ฎ๐ฉ๐๐ง๐ ๐ง๐๐ฌ๐ฎ๐ฉ๐ข๐ฅ ๐ฌ๐ ๐ก๐ฎ๐ฐ๐๐ ๐ง๐ ๐ฉ๐๐ง๐ ๐๐ค๐จ
Mula sa ginintuang sinapupunan ng ating mga kabundukan hanggang sa nag-aapoy na pagkakakilanlang buong-tapang nating inihahain sa mundo, nakaukit sa ating mga ugat ang mga yapak ng ating mga ninuno bilang isang sagradong pangako.
Ipinagmamalaki sila sa mga salita, ngunit sa sandaling hingin ng makabagong mundo ang huwad na kaunlaran, agad silang itinatapon sa madilim na anino.
Taon-taon, sa gitna ng makukulay na pagdiriwang para sa Araw ng mga Katutubo, ang mga tunay na tagapagmana ng lupang ito ay tahimik na lumulubog sa dilim ng kapabayaan, habang sila ay unti-unting pinagkakaitan ng karapatan, inaalisan ng lupang sinilangan, at ninanakawan ng kinabukasan bilang mga alay sa dambana ng tinatawag na kaunlaran.
Sa gitna ng mga pangako ng Indigenous Peoplesโ Rights Act o IPRA 1997 na tila napaglipasan na ng panahon dahil sa mahinang implementasyon, nananatiling bingi ang mga kinauukulan sa patuloy na karahasang sumasalanta sa mga katutubo sa bawat pagpapalit ng administrasyon.
Pinatutunayan ito ng banta ng pagpapalayas sa mga Aeta ng Barangay O'Donnell at Sitio Manabayukan dulot ng Pax Silica Hub sa New Clark City, gayundin ang paggunita sa limang taon mula nang maganap ang madugong Tumandok Massacre sa hangganan ng Capiz at Iloilo kung saan siyam na lider ang pinaslang habang ipinagtatanggol ang kanilang lupain laban sa militarisasyon.
Hindi naiiba ang masakit na sinasapit ng mga Lumad sa Mindanao, kung saan marahas na ipinasara ang mahigit dalawang daang paaralang pamayanan at sistematikong pinatay ang mga ilawan ng karunungan upang bigyang-daan ang mga mapanirang korporasyon.
Habang patuloy ang pagpapaslang at pagsasakripisyo sa mga nagluwal ng ating kultura kapalit ng ambisyon ng kalakalan, nananatiling dayuhan sa sarili nilang tahanan ang mga katutubo na walang tunay na laya at patuloy na nilulunod sa sarili nilang dugo.
Ang mga makukulay na sayaw at awit tuwing Araw ng mga Katutubo ay kailanman hindi dapat maging telon na nagkukubli sa kanilang mga sugat.
Sa halip, dapat itong sumiklab bilang isang mariing panawagan at nag-aapoy na paalala na ang kanilang tunay na kalayaan ay hindi masusumpungan sa mga palamuti ng pagdiriwang, kundi sa mismong paggiba sa mga sistemang lumulunod sa kanilang katahimikan.
Sapagkat sa pag-uwi sa pusod ng ating mga ugat at sa lupang pinag-utangan natin ng hininga, doon lamang ganap na makikita na ang tunay na mukha ng kaunlaran ay nakasalamin sa dangal, buhay, at tinubuang-lupang pinag-ugatan ng bawat katutubo.
Isinulat ni Aiya Cantomayor
Disenyo ni Trisha Anne Romero
Litrato mula sa Philippine Social Science Council