02/09/2026
PRO-6, NAGBABALA SA PUBLIKO: IWASAN ANG PAGPO-POST NG REAL-TIME LOCATION SA SOCIAL MEDIA
ILOILO CITY — Hinikayat ng Police Regional Office 6 (PRO-6) ang publiko na iwasang i-post sa social media ang kanilang real-time location, travel plans, at mga aktibidad, lalo na ngayong nagsisimula na ang “ber months.”
Ayon kay PRO-6 Director PBGen Randulf T. Tuaño, maaaring malagay sa panganib ang seguridad ng isang indibidwal at ng kanilang tahanan kapag masyadong maraming personal na impormasyon ang ibinabahagi online.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga gamit at manatiling mapagmatyag habang bumibiyahe.
Binigyang-diin ni Tuaño na pananagutan ng lahat ang pag-iwas sa krimen, kaya hinihikayat ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o aktibidad.
Paalala ng PRO-6: Maging maingat sa mga impormasyong ibinabahagi online. Iwasang ipakita sa publiko ang eksaktong lokasyon, oras ng pag-alis, o travel plans upang hindi malagay sa panganib ang inyong sarili, pamilya, at tahanan.