07/05/2025
PEKENG SURVEY NG ‘SOCIAL PULSE PHILIPPINES’ INIIMBESTIGAHAN
Ibinunyag ng Philippine Research and Marketing Association Inc. (PRAMA) ang operasyon ng isang kahina-hinalang survey group na tinukoy bilang Social Pulse Philippines, na ngayon ay iniimbestigahan dahil sa umano’y pagpapakalat ng huwad at mapanlinlang na survey results para sa darating na Mayo 12 Eleksyon.
Ayon sa kinatawan ng PRAMA, ang Social Pulse Philippines ay nagpakilalang isang lehitimong survey firm at ginamit ang social media upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko. Ngunit sa masusing pagsusuri, nadiskubre ng PRAMA na wala itong rehistradong negosyo at ang page nito ay bagong-gawa lamang noong Enero 2025, isang malinaw na indikasyon ng posibleng panlilinlang.
Bukod pa rito, wala ring pisikal na opisina ang grupo sa Eco Tower, 32nd Avenue, Fort Bonifacio, BGC, Taguig City, taliwas sa kanilang opisyal na pahayag. Natunton rin ng mga imbestigador na may ugnayan ang Social Pulse Philippines sa isa pang kahina-hinalang grupo, ang Hypothesis Philippine, na dating nag-ooperate sa Cavite City gamit ang katulad na modus operandi.
Hinimok ng PRAMA ang Commission on Elections (COMELEC) at mga kaukulang ahensya na agarang tugisin at papanagutin ang mga nasa likod ng pekeng survey operations. Binigyang-diin ni Salvador ang panganib ng pagkalat ng pekeng impormasyon sa social media, lalo na sa panahon ng mataas na tensyon sa pulitika.
Sa kasalukuyan, puspusan ang operasyon ng mga awtoridad upang supilin ang mga mapanlinlang na grupo.
Tiniyak naman ng PRAMA ang kanilang patuloy na pakikipaglaban sa maling impormasyon at pekeng survey entities na naglalayong linlangin ang mamamayang Pilipino.
News Source: Saksi Ngayon