04/08/2026
Pagbubukas ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan, Pinangunahan sa MNHS
MALAMAWI, Isabela City, Basilan— Pormal na binuksan ng Malamawi National High School (MNHS) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan sa isinagawang pagtataas ng watawat noong Agosto 3, 2026 sa pangunguna ng Punong G**o Jemhar A. Paredes.
Pinangunahan ni Gng. Reeven Mae Cristobal ang paglulunsad ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang tagapagbuklod ng mga Pilipino at ang responsableng paggamit ng artificial intelligence bilang katuwang sa pananaliksik at pagkatuto.
Kasabay nito, pinangunahan naman ni Bb. Sunshine Austero ang pagbubukas ng Buwan ng Kasaysayan. Ipinaalala niya sa mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan ang kahalagahan ng pag-unawa at pagpapahalaga sa kasaysayan bilang saligan ng pambansang pagkakakilanlan at pagkamakabayan.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa rin ang patimpalak sa Pinakamahusay na Kasuotan para sa mga g**o. Kinilala sina Gg. Ernesto Arellano at Bb. Laja bilang mga nagwagi matapos maipamalas ang kanilang kasuotang angkop sa diwa ng pagdiriwang.
Iginawad din ang pagkilala sa mga nagwagi sa Reading Program Trivia, isang gawaing pinangunahan ni Gng. Aisha Anyaman bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kultura ng pagbasa sa paaralan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Gg. Paredes ang buong komunidad ng Malamawi National High School na aktibong makilahok sa mga gawaing inihanda para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan upang higit na mapalalim ang pagpapahalaga sa wikang Filipino, kasaysayan, at kulturang Pilipino.