04/07/2025
PCOL Sultan Salman Sapal, Pormal nang Nanumpa Bilang Bagong Provincial Director ng Maguindanao del Sur Police
SHARIFF AGUAK, MAGUINDANAO DEL SUR – Hulyo 2, 2025 — Pormal nang nanumpa si Police Colonel (PCOL) Sultan Salman H. Sapal bilang bagong Provincial Director ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office sa isang makasaysayang seremonya na ginanap sa Camp Datu Akilan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Pinangunahan ang seremonya ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), kasama si PCOL Guissepe A. Geralde, Chief ng RPRMD, PRO BAR. Dumalo rin ang mga panauhing opisyal kabilang sina Hon. Baisa Sinsuat Sapal, Konsehal ng Palimbang; Atty. Fahad A. Candao, Regional Director ng NAPOLCOM-BAR; G. Herbert B. Nacional, Assistant Regional Director ng NICA-17; PLTCOL Badrudin Esmael ng SALAAM Police Center; at Engr. Hatha A. Biruar, Information Officer ng Datu Unsay.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCOL Sapal ang pagpapatupad ng programang “5-minute response time” ng PNP Chief, na naglalayong ibalik ang tunay na diwa ng mabilis at tapat na serbisyo ng pulisya para sa mamamayan. Ayon sa kanya, ibibigay niya ang kanyang personal na numero sa publiko upang direkta nilang maireport ang sinumang pulis na hindi maayos na ginagampanan ang tungkulin.
“Bilang inyong bagong Provincial Director, ibinibigay ko po ang aking personal na numero sa publiko upang direkta nilang maiulat ang mga pulis na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin o nagpapakita ng hindi kanais-nais na asal. Bahagi ito ng ating layunin na muling maibalik ang tiwala ng publiko at masig**o ang tapat na paglilingkod ng kapulisan,” pahayag ni PCOL Sapal. “Sama-sama tayong susulong sa diwa ng Serbisyo, Karangalan, at Katarungan.”
Dinaluhan ang seremonya ng mga tauhan ng kapulisan, non-uniformed personnel, mga opisyal ng LGU, kaibigan, at iba pang taga-suporta, na nagpatunay sa pagkakaisa para sa mas matatag na paglilingkod sa bayan.
Courtesy: Balitang Bangsamoro, Hulyo 2, 2025