11/08/2025
2 mga wanted, naaresto sa hospital
Dalawang mga pasyente sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ang hiwalay na nasilbihan nitong Linggo, August 10, 2025, ng mga warrants of arrest ng mga operatiba ng Cotabato City Police Office, pinamumunuan ni Col. Jibin Bongcayao, ng mga agents ng Criminal and Investigation and Detection Group at ng mga kasapi ng iba pang mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Unang naaresto ang wanted na si Ham Musa, kilala din sa alias niyang Ham Totay, wanted sa two counts of murder sa isang korte. Lumabas ang arrest warrant para sa kanya noon pang December 17, 2024.
Kinumpirma nitong gabi ng Linggo nila Bongcayao at ng director ng PRO-BAR, si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, na guwardiyado na ng mga pulis si Musa, naka-confine sa CRMC dahil sa karamdaman.
Makalipas ang ilang oras, nito ring Linggo, isang pang pasyente ng naturang hospital din, si Ali Akbar, kilala din na Commander Endo ng Moro Islamic Liberation Front, ang nahainan ng warrant of arrest, para sa kasong murder at attempted murder, mula sa Regional Trial Court 15 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Norte.
Magkatuwang ang mga operatiba ng CIDG Field Unit-Bangsamoro Autonomous Region at ang mga kasapi ng ibat-ibang units ng PRO-BAR sa pag aresto sa naturang Moro commander.
Katulad ni Musa, may mga pulis ng nakatalaga na sa CRMC upang guwardiyahan din si Akbar, ayon kay Brig. Gen. De Guzman. (August 11, 2025, Cotabato City, Bangsamoro Region)