18/02/2025
KAWIT, GISING! HUWAG MAGPA-ALIPIN SA CORRUPT
Nakakagimbal, nakakagalit, at nakakasulasok ang inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol sa administrasyon ni Mayor Angelo Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Isang napakalaking cash deficit na P234,678,771.45—halagang hindi basta-bastang mawawala kung may matinong pamamalakad.
Ito ang pruweba ng kapabayaan, katiwalian, at kawalan ng malasakit sa mamamayan ng Kawit!
Sa loob ng limang taon, mula P12.6 milyon noong 2018, lumobo ang kakulangan sa pera ng bayan sa mahigit P234 milyon noong 2023. Anong klaseng pamumuno ito? Kung negosyo ito, matagal nang nagsara. Kung tahanan ito, matagal nang nakasanla. Pero dahil gobyerno ito—pera ng taumbayan ang kinakalakal at sinasayang!
Ayon sa COA, kulang na kulang ang nakolektang buwis para tustusan ang gastusin ng bayan. P179.1 milyon ang hindi nakolekta! Anong ginawa ng administrasyon para siguruhing maabot ang target? Bakit nagkapatung-patong ang utang? Bakit hindi pinigilan ang paggasta ng hindi kaya? Bakit hindi naagapan ang pagkalunod sa utang bago pa lumubog nang tuluyan?
Ang sagot ay malinaw: isang gobyernong inutil at pabaya, o isang gobyernong corrupt at gahaman.
Ang batas mismo, ang Republic Act No. 7160, ay malinaw: hindi dapat lumampas sa 50% ng hindi pa nakokolektang kita ang ginagastos ng isang LGU. Ngunit mukhang nagmistulang laro lang ito para sa administrasyon ni Mayor Aguinaldo. Para bang may walang hanggang pitaka ang Kawit—na ngayon ay butas na butas at duguan.
At sino ang magdurusa? Ang mamamayang Kawiteño!
Habang ang kanilang kinabukasan ay pinaglalaruan ng iilang nasa kapangyarihan, habang sila ay nagpapakahirap magbayad ng buwis, habang sila ay nangangarap ng mas maayos na serbisyo, edukasyon, at imprastraktura—ang kaban ng bayan ay iniwang hukay na walang laman!
Wala nang sapat na pera ang LGU para sa mga pangunahing serbisyo. Nasaan ang pera? Saan napunta? Sino ang may kagagawan? Hindi sapat ang pangako ng "pagsasaayos"—ang kinakailangan ay pananagutan!
Kawiteños, ito na ang oras para magtanong! Bakit lumobo nang ganito ang utang? Sino ang may pananagutan? Ano ang konkretong hakbang na gagawin upang itama ang kapalpakan ng nakaraang limang taon?
At higit sa lahat, ito ang oras para magising! Huwag nating hayaang manatili sa puwesto ang mga taong naglulubog sa atin sa kahirapan!
Kawit, ito na ang huling babala: Kumilos na bago tuluyang lamunin ng utang, kapabayaan, at korapsyon ang ating bayan!