19/10/2025
“Si Risa Hontiveros ang gagawing Chairman ng Blue Ribbon Committee? Puro nga siya budget insertions, isa siya sa mga dapat imbestigahan!”
Ito ang matalim na pahayag ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga matapos makarating sa kanya ang impormasyong kabilang umano si Senadora Risa Hontiveros sa mga tinitingnang papalit bilang bagong chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Barzaga, malaking insulto sa kredibilidad ng Senado kung ang isang mambabatas na nasasangkot sa alegasyon ng budget insertions ang uupo sa komiteng nagsisiyasat ng mga katiwalian sa gobyerno.
Ang komento ni Barzaga ay kasunod ng mainit na isyung sumabog noong unang linggo ng Oktubre 2025, nang hamunin ng broadcaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna ang pahayag ni Hontiveros na wala umano siyang kinalaman sa mga bicam insertions sa 2025 national budget.
“Sabi ni Ping: halos lahat ng senador, may insertions. Sabi ni JV, lahat ng senador may insertions. Sabi ni Risa, WALA akong insertion!”
Itinanggi ni Hontiveros ang mga paratang at mariing sinabi:
“Wala po akong bicam insertions. Wala sa unprogrammed funds. PERIOD.”
“BABALA: WAG MANIWALA SA PEYK NEWS AT MALING IMPORMASYON.”
Gayunman, kinabukasan ay naglabas si Taberna ng diumano’y mga ‘resibo’ sa kanyang Facebook Live na naglalaman ng listahan ng mga proyekto umanong nakapark sa pangalan ni Hontiveros — kabilang ang halos ₱3.035 bilyong halaga ng flood control at seawall projects mula Isabela, Tarlac, Sorsogon, Cebu, hanggang Bukidnon.
Kabilang sa mga nabanggit sa dokumento:
• ₱100M – Sinili Flood Control Structure, Santiago City, Isabela
• ₱75M – Flood Control Structures, Baket River, Moncada, Tarlac
• ₱40M – Seawall, Brgy. Buenavista, Sorsogon City
• ₱200M – Flood Control Structure, Sawaga River, Malaybalay, Bukidnon
Matapos lumabas ang mga dokumento, lalong umigting ang panawagan ni Barzaga na hindi dapat si Hontiveros ang mamuno sa Blue Ribbon Committee. Sa halip, aniya, dapat imbestigahan ito upang mapanagot ang mga sangkot sa umano’y anomalya sa pondo ng bansa.