29/11/2025
5-anyos na bata, patay matapos masaksak at gilitan sa leeg ng sariling 8-anyos na pinsan sa Cebu
PATAY ang isang limang taong gulang na batang lalaki matapos umanong masaksak at gilitan ng leeg ng kanyang 8-anyos na pinsan sa may sapa ng Barangay Capio-an, Argao, Cebu, gabi ng Miyerkules, Nobyembre 26, 2025—isang pangyayaring yumanig sa buong komunidad.
Ayon sa ina ng biktima, magkasamang pumunta sa sapa ang kanyang anak at ang 8-anyos na pinsan upang manghuli lamang ng maliit na alimango malapit sa kanilang bahay. Ngunit makalipas ang mahigit dalawang oras, umuwi ang pinsan na mag-isa at hindi kasama ang kanyang anak.
Doon na nagsimulang kabahan ang ina kung kaya't agad siyang tumakbo papunta sa sapa, bitbit ang pag-asang makikita ang anak na ligtas. Ngunit wala siyang nadatnan. Nang hindi na niya matagpuan ang bata, agad siyang humingi ng tulong sa barangay.
At sa pagdating ng mga tauhan ng barangay at mga residente, natagpuan nila ang isang tanawin na bumasag sa puso ng ina—ang duguang batang nakabulagta sa sapa, may sugat at malalim na gilit sa leeg.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ikinuwento ng 8-anyos na pinsan na nauwi umano sa pagtatalo ang kanilang paglalaro. Kwestyunon ng pinsan, inutusan niya umano ang biktima na kamutin ang kanyang likod ngunit hindi ito sumunod at tinadyakan pa umano siya. Dahil sa galit, naitulak niya ang bata habang may hawak na cutter at tumama ito sa leeg ng 5-anyos na pinsan na agad na natumba sa sapa. Sa labis na takot, iniwan umano niya sa sapa ang pinsan na duguan.
Nabatid rin na palagi raw bitbit ng batang suspek ang naturang cutter—isang bagay na hindi inakalang magdudulot ng nakamamatay na trahedya.
Sa ngayon, ang 8-anyos na suspek ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sumasailalim sa stress debriefing, habang ang pamilya ng biktima ay naghihinagpis at humihingi ng hustisya.
Isang paalala sa lahat: Isang maliit na bagay, isang iglap na galit, at isang sandaling kapabayaan na maaaring maging dahilan ng habambuhay na pighati.