
26/07/2025
𝗟𝗔𝗧𝗛𝗔𝗟𝗔𝗜𝗡 || 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐂𝐚𝐦𝐩𝐮𝐬 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐬 𝐅𝐫𝐞𝐞𝐝𝐨𝐦: 𝐁𝐢𝐧𝐡𝐢 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐭𝐨𝐭𝐨𝐡𝐚𝐧𝐚𝐧, 𝐓𝐚𝐥𝐚𝐢𝐧 𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐲𝐚𝐧
Sa bawat sulok ng paaralan, may mga kabataang tahimik na sumusulat hindi lamang para sa grado, kundi para sa katotohanan. Sa likod ng bawat artikulo, headline, at editoryal, may pusong lumalaban, may matang mulat sa paligid, at may panulat na humahabi ng mas makabuluhang bukas.
Ang mga batang mamamahayag ay hindi lang basta manunulat. Sila ang mata ng mga mag-aaral, ang boses sa likod ng katahimikan, at ang unang tumatayo kapag may kailangang iwasto, itama, at ipaglaban. Sa murang edad, tangan nila ang paninindigan, lakas ng loob, at diwang makabayan mga katangiang madalas inuugma sa mas matatanda, ngunit ngayon ay malinaw na sumisibol sa kabataan.
Ngunit hindi madali ang daang tinatahak ng campus press. Araw-araw, nilalabanan nila ang tahasang censorship, red-tagging, kulang na pondo, at tahimik na pananakot mula sa mga makapangyarihan. Kaya naman mahalaga ang Hulyo 25 National Campus Press Freedom Day. Hindi lang ito petsa sa kalendaryo, kundi isang paalala na ang karapatan sa malayang pamamahayag ay dapat ipinaglalaban, lalo na sa mga paaralan.
Ang araw na ito ay iniaalay sa alaala ni Donato “Ka Dong” Continente, isang dating campus journalist na hindi kailanman umatras sa laban ng katotohanan. Ang kanyang kwento ay hindi lang bahagi ng kasaysayan, kundi inspirasyon para sa bawat kabataang mamamahayag na kahit tila maliit ang boses, kaya nitong magpabago ng takbo ng lipunan.
Hindi kalaban ang campus press. Sila’y katuwang sa paghubog ng mga mag-aaral na kritikal, mulat, at handang makialam. Sa panahong laganap ang disimpormasyon at takot, kailangan natin ng mga batang may lakas ng loob na magsulat, magsiwalat, at magsilbi.
Hindi lang tinta at papel ang gamit nila. Pananampalataya sa katotohanan, malasakit sa kapwa, at pangarap para sa bayan ang tunay nilang sandata. Habang may isang kabataang patuloy na sumusulat, hindi kailanman mapapatay ang apoy ng kalayaan sa pamamahayag.
Ang laban para sa campus press freedom ay laban nating lahat. Igiit natin ang kalayaan, pagkilala, at suporta sa bawat batang may hawak na panulat dahil sa kanilang mga salita, buhay ang pag-asa ng sambayanan.
✍️: Kia Peñafel
🖼️: Christine Artucilla