20/06/2025
MEMORANDUM:
Para sa: Lahat ng Kinauukulang Stakeholders: Barangay Sta Juliana, 790th Air Base Group, Tour Organizers, 4x4 Operators/Drivers, Local Guides, at Tourist Guests
Mula kay: Paul L. Alata,
Municipal Tourism Officer
Petsa: Hunyo 20, 2025
Paksa: Pagtanggap ng Executive Order No. 06, s. 2025 at Isasagawang Ocular Inspection sa Mt. Pinatubo
Malugod po naming ipinapaabot na ngayong araw, ika-20 ng Hunyo 2025, ganap na 4:10 ng hapon ay opisyal na natanggap ng Tanggapan ng Turismo ng Bayan ng Capas ang Executive Order No. 06, s. 2025 na nilagdaan ng Punong Bayan, Gg. JUN OMAR C. EBDANE, ng Bayan ng Botolan. Ang kautusang ito ay may kinalaman sa muling pagbubukas ng Mt. Pinatubo Trekking Adventure.
Kaugnay nito, magsasagawa po muna ang Capas Tourism Team ng isang ocular inspection sa itinakdang trail—mula KM. 7 (parking area ng mga 4x4 na sasakyan) patungong Pinatubo Crater Lake. Layunin ng inspeksyong ito na masigurong ligtas, maayos at madaanan ang buong trail na gagamitin ng mga turista.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng ating paghahanda upang matiyak ang kaligtasan at kasiyahan ng mga bibisitang turista, gayundin ang kaayusan ng operasyon bago ang opisyal na pagbubukas ng trekking adventure.
Makakaasa po kayo na ang aming tanggapan ay patuloy na makikipag-ugnayan sa mga kinauukulan, katuwang ang mga stakeholders at mga lokal na pamahalaan, upang maisakatuparan ito sa paraang ligtas, organisado, at makabuluhan para sa lahat.
Maraming salamat po sa inyong suporta at pakikiisa.
Mun. Tourism Officer