09/09/2025
“HUWAG KAMING GAWING PANAKIP-BUTAS” Cong. Paolo Duterte
Mariing pumalag si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte sa biglaang paglipat ng usapan sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Giit ni Duterte, malinaw na diversion tactic ang ginawa upang ilihis ang atensyon mula sa tunay na isyu ng korapsyon.
“Ano’ng klaseng hearing ba ito? Klaro na may DPWH officials mismo nga nagsabi na nagbigay sila ng payola, pero bigla na lang dinivert ang isyu. Imbes na accountability ang ipilit, ginawa pang isyu ang ₱51B budget ng Davao noong panahon ng tatay ko.”
Hindi rin siya nagpahuli sa pagbuwelta laban sa ilang kongresista, partikular na sa Makabayan bloc at ilang mambabatas mula Luzon:
“Duterte kayo nang Duterte! I challenge the Filipino people – do a background check on all Makabayan bloc congressmen. At kayo rin na mga taga-Luzon, tingnan ninyo ang inyong mga congressman. Huwag puro tutok sa Davao—nasa inyo mismo ang baha at basura. Busisiin ninyo ang IRA allocations sa inyong mga lokal na pamahalaan.”
Dagdag pa ni Duterte, hindi siya kailanman nakialam sa mga budget hearing sa Kamara noon, at iginiit na may delicadeza siya—hindi tulad ngayon na mismong magkakamag-anak ang naglalaro sa pondo.
Direkta rin niyang pinunto ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez at ng kanyang kaalyado:
“Balik niyo yan sa usapang Martin Romualdez at Zaldy Co para may maniwala sa inyo, InfraComm. Huwag n’yong gamitin ang Davao at ang pamilya ko para lang ma-divert ang isyu at mailihis ang tunay na korapsyon.”
Hinamon din niya ang mga kapwa mambabatas na sagutin ang mas malalaking anomalya:
“Kung seryoso kayo sa imbestigasyon, sagutin ninyo rin ang tanong: what happened to the anomalies sa DSWD at DOLE insertions sa mga congressmen? Nasaan na ang billions sa PhilHealth? At ano na ang Maharlika Fund—ano na talaga ang nangyari doon?”
Kasabay nito, nanawagan si Duterte ng transparency sa lahat ng kongresista:
“Ilabas niyo lahat ng budget ninyo at ipakita sa taumbayan ang mga proyekto ninyo sa distrito. Huwag puro salita—ipakita ninyo ang ebidensya ng trabaho ninyo, para makita kung sino ang totoong nagseserbisyo at sino ang nagnanakaw.”
Tiniyak din niya na walang tinatago ang Davao City, at handang ipakita ang lahat ng records at aktwal na proyekto sa lupa.
Bilang patunay, binanggit pa niya ang sariling aksyon laban sa katiwalian sa DPWH:
“I even requested the removal of a DPWH regional director dahil sa right-of-way corruption issues. That’s on record.”
At sa huli, muling idiniin ni Congressman Pulong:
“Kaya huwag ninyo kaming gawing panakip-butas. Stop dragging the Dutertes to cover up your mess. Focus on the real issues – flood control anomalies, payola, at ang mga opisyal na mismong umamin na nanuhol sila. Davao’s projects are built on solid ground. Maaari ba ninyong sabihin ang ganyan tungkol sa mga distrito ninyo?”