02/09/2025
LITERALTA | Kung Bakit Ako Huminto Magsulat
Bakit ako huminto magsulat? Dahil ba walang nagbabasa? Nagsusulat ba tayo para lamang may makarinig, o dahil may mga salitang ayaw magpahinga hangga’t hindi naisasatitik?
Noon, madalas sa madaling araw ako nagsusulat, kung kailan ugong lang ng electric fan ang maririnig at paminsang huni ng mga kuliglig. Kung kailan walang bulong bulong ng mga tao sa paligid at sariling boses ko lang sa isip ko ang naririnig ko, hindi nagpupumilit, hindi sumisigaw, naghihintay lang ng panahon para mapakinggan.
Madalas akong umaakyat sa bubong ng bahay namin, bitbit ang isang notebook at HBW black na paubos na ang tinta. Bakit nga ba mas gumaganda ang panulat ng bolpen na 'to kapag gamit na gamit na? Ganun ba yun kapag marami nang napagdaanan, mas gumaganda na ang rin ang bakas na iniiwan?
Sa ibabaw ng kalawanging bubong, sa lamig ng gabi, kung kailan humihimbing ang mundo, mas lumalakas ang ugong ng utak ko. Kung hindi ako nagsusulat, nagsasalita akong mag-isa. Hindi dahil may kausap akong hindi nakikita ng mata, kundi gusto ko lang magsalita. Sa mga pagkakataong kinagat ko lang ang dila ko at tahimik na sumigaw sa isip ko; sa mga pagkakataong hinanap ko lang sa pinakamalalim na bahagi ng aking baga ang pinakamahaba kong paghinga sa halip na ibuka ang bibig; sa mga pagkakataong pinili kong hwag umimik, harangan ang luha at halos sabunutan mula sa loob ang aking mata nang hindi ito makagalaw; sa madaling-araw ko nahahanap ang aking tinig. Sa madaling araw ko pinakikinggan ang aking sarili, kibit balikat kung walang ibang nakikinig.
Kung hindi yon ang dahilan, bakit nga ba ako huminto magsulat? Dahil ba wala na akong masabi? Hindi na ba interesante ang mga danas ko sa buhay?
Noon, mas higit ang pagkakataong nagsusulat ako dahil sa mga negatibong emosyon. Sa mga pagkakataong pakiramdam ko ay iniwan ako at tinalikuran ng mga taong pinaglaban at pinagtanggol ko, nakabuo ako ng tula. Sa mga panahong pinagkakasya ko ang kwarenta pesos na baon kasama ang dalawang sieteng pamasahe-estudyante, naisulat ko ang bukas na liham para sa haring matsing, isang komentaryo sa kung paanong ang pagganda ng ekonomiya ng bansa ay mapapatunayan lamang kung dama ito ng mga pinakamaliliit na tao sa lipunan. Sa gitna ng paghikbi, pagpunas ng pinaghalong uhog at luha, pagtikom ng mga daliri, naisulat ko ang mga kwentong sumasalamin sa isang batang ni minsan ay hindi nakaranas ng marangyang kaarawan.
May gusto akong sabihin, patunayan at ipaglaban. Naisip ko noon na hindi man iisa ang daloy ng buhay ko at ng ibang tao, maaaring ang mga salita ko o ilan sa mga ito ay magsilbing salita din ng iba. Akala ko noon, kaya ko silang buhatin at isalba. Mali. Kaya ba ako tumigil magsulat dahil wala akong nararating? Gaano ba kahalaga ang may marating?
Bakit ba ako huminto magsulat? Dahil ba hindi naman ako talaga magaling? Dahil ba ako lang ang naniniwala sa sarili kong kakayahan?
Totoo, kahit paulit-ulit nating sabihing tayo dapat ang unang tagahanga ng sarili, mabigat pa rin ang hiwa ng mga salitang “hindi ka naman magaling.” May tusok iyon na mahirap balewalain.
Yun ba talaga ang dahilan bakit ako humintong magsulat? O dahil pagod na ako? Tama. Sig**o? Ewan.
Binugbog ako ng itim at puting mundo, puno ng papeles, deadline, at bayarin. Nahulas ang dating makulay kong diwa. Nakita ko ang katotohanan ng mundo. Napatunayan kong walang lugar ang imahinasyon sa mundong araw-araw kang sinasampal ng realidad.
Kaya sig**o ako naging g**o. Para kumapit sa pangarap ng iba. Kung ako, napagod na sa sariling pangarap at humina ang sariling tinig, marahil doon ko mahahanap ang ganap na kasiyahan. Sa panonood kung paano nila hinahanap, hinuhubog, at ipinaglalaban ang sarili nilang boses.
Marami na akong sinabihan ng, “Huwag kang titigil magsulat.” Ngunit ako ang naunang tumigil. At sa pag-amin na iyon, naroon ang tunay na bigat. Dahil minsan, mas madaling ipaglaban ang tinig ng iba kaysa bawiin ang sariling nawala.
Bakit nga ba ako huminto magsulat? Sa bawat tanong na iyon, nararamdaman kong baka ang mismong pagtatanong na ito ang sagot. Na baka hindi pa ako tuluyang huminto. Na baka ito mismo, ang pag-amin, ang pagkukwento, ang muling pagtatangkang isulat ang mga salitang ito, ay ang patunay na patuloy pa rin akong may sinasabi.
At sa muling pagdampi ng bolpen sa papel, marahil ang totoo’y hindi ko kailanman iniwan ang pagsusulat.
🖋️: Mr. Mirell D. Angob, Adviser