21/03/2024
Ang mga walang pangalan
Ni: Jose "Pete" Lacaba
Alay kay Leonor Alay-ay, drayber
Nalalaman na lamang natin
ang kanilang mga pangalan
kung sila’y wala na.
Subalit habang nabubuhay,
sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan.
Hindi sila naiimbitang
magtalumpati sa liwasan,
hindi inilalathala ng pahayagan
ang kanilang mga larawan,
at kung makasalubong mo sa daan,
kahit anong pamada ang gamit nila
ay hindi ka mapapalingon.
Sila’y walang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila ang nagpapatakbo
sa motor ng kilusang mapagpalaya.
Sila ang mga paang nagmartsa
sa mga kalsadang nababakuran
ng alambreng tinik,
sila ang mga bisig na nagwagayway
ng mga bandila ng pakikibaka
sa harap ng batuta at bala,
sila ang mga kamaong
nagtaas ng nagliliyab na sulo
sa madilim na gabi ng diktadura,
sila ang mga tinig na sumigaw
ng “Katarungan! Kalayaan!”
at umawit ng “Bayan Ko”
sa himig na naghihimagsik.
Sa EDSA sa isang buwan ng Pebrero,
sila ang nagdala ng mga anak
at nagbaon ng mga sanwits
at humarap sa mga tangke
nang walang armas kundi dasal,
habang nasa loob ng kampo,
nagkakanlong, ang mga opisyal
na armado ng U*i.
Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
itong mga karaniwang mamamayan,
pambala ng kanyon at kakaning-itik,
na matiyagang kumilos at
tahimik na nagbuklod-buklod at
magiting na lumaban
kahit kinakalambre ng nerbiyos,
kahit kumakabog ang dibdib.
Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila’y
naglingkod sa sambayanan
kahit hindi kinukunan ng litrato,
kahit hindi sinasabitan ng medalya,
kahit hindi hinaharap ng pangulo.
Sila’y naglingkod sa sambayanan,
walang hinahangad
na luwalhati o gantimpala
kundi kaunting kanin at ulam,
kaunting pagkakakitaan,
bubong na hindi pinapasok ng ulan,
damit na hindi gula-gulanit,
ang layang lumakad
sa kalsada tuwing gabi
nang hindi sinusutsutan ng pulis
para bulatlatin ang laman ng bag,
isang bukas na may pag-asa’t aliwalas
para sa sarili at sa mga anak,
isang buhay na marangal
kahit walang pangalan,
kahit walang mukhang madaling tandaan.