11/08/2025
Tingnan || Aug 11 2025
Gov. Rosal, Nag-utos ng Imbestigasyon sa Umano’y Payola System sa Quarrying sa Albay
Legazpi City, Albay – Inatasan ni Governor Noel E. Rosal ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y payola system sa operasyon ng quarrying sa lalawigan matapos ang pagkakaaresto ng dating konsehal ng bayan sa Tiwi.
Sa opisyal na pahayag, nilinaw ni Rosal na naging sentro ng atensyon ang kaso hindi dahil sa dating posisyon ng suspek sa pamahalaan, kundi dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na sistema.
Nagpasalamat ang gobernador sa National Bureau of Investigation (NBI) sa mabilis na aksyon at tiniyak ang buong pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay sa imbestigasyon.
Ayon kay Rosal, magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang pamahalaang panlalawigan sa antas ng LGU upang matukoy kung totoong may payola system at kung sinu-sino pa ang posibleng sangkot.
“Sa publiko: Nawa’y magsilbing babala ito. Seryoso ang administrasyong ito sa pagsasaayos ng mga pagkukulang sa sistema ng quarrying sa Albay,” diin ni Rosal.