25/08/2025
𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗟𝗔𝗥𝗔𝗪𝗔𝗡 | 𝗛𝗶𝗴𝗶𝘁 𝟴𝟬𝟬 𝗺𝗮𝗴-𝗮𝗮𝗿𝗮𝗹, 𝗮𝗽𝗹𝗶𝗸𝗮𝗻𝘁𝗲 𝘀𝘂𝗺𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗣𝗠𝗔 𝗘𝗻𝘁𝗿𝗮𝗻𝗰𝗲 𝗘𝘅𝗮𝗺𝗶𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝘀 𝟮𝟬𝟮𝟱 𝘀𝗮 𝗟𝗲𝗴𝗮𝘇𝗽𝗶
Maulang panahon ang sumalubong sa mga aplikante ng Philippine Military Academy Entrance Examination (PMAEE) sa ikalawa at huling araw ng pagsusulit sa testing center nito sa Lungsod Legazpi nitong Linggo, Agosto 24.
Karamihan sa mga dumalo ay ang mga bigong makapasok sa cut-off noong Sabado, Agosto 23, bunsod ng dagsa ng aplikante sa Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL) na may 400-kataong kapasidad na multi-purpose hall.
Upang maiwasan ang mahabang pila, ilan sa mga aplikante ay pumila na mula alas-3:00 ng madaling-araw para maisumite ang kanilang mga dokumento.
Pasado alas-10:30 ng umaga nang opisyal na sinimulan ang tatlong-oras at 200-item na pagsusulit na binubuo ng mga subtest sa Special PMA Exam (Abstract Reasoning), Mathematics, at English.
Batay sa talaan ng PMA, umabot sa 845 ang kabuohang bilang ng sumubok sa PMAEE 2025 sa Legazpi testing center mula nang magsimula ang pagsusulit nitong Sabado.
Dagdag pa nila, mula sa 1,099 na pumasa sa PMAEE 2024, nasa 39 ang nagmula sa Legazpi testing center, at sa bilang na ito, 13 ang tumuloy at pormal nang naging kadete.
Inaasahan namang ilalabas sa Setyembre o Oktubre ang opisyal na resulta ng katatapos na PMAEE para sa mga aplikante mula Bicol at Visayas.
Samantala, nakatakdang idaos ng PMA ang susunod na batch ng entrance examinations sa National Capital Region, Rehiyon 4-A, at Rehiyon 4-B sa Setyembre 6–7, habang sa Gitna at Hilagang Luzon naman ito isasagawa sa Setyembre 20–21.
Noong Agosto 19, nauna na ring bumisita sa Legazpi City Science High School ang ilang miyembro ng PMA at proctors upang hikayatin ang mga mag-aaral mula sa Baitang 12 na lumahok sa PMAEE 2025.
𝙫𝙞𝙖 𝘑𝘰𝘴𝘦𝘱𝘩 𝘈𝘻𝘪𝘭 𝘉𝘶𝘦𝘯𝘢 / 𝘈𝘯𝘨 𝘏𝘢𝘳𝘢𝘺𝘢