08/11/2025
JUST IN: Patuloy na lumalakas si Typhoon Uwan habang ito’y kumikilos sa direksyong kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 30 km/h. Ayon sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA ngayong 4:00 PM, Nobyembre 8, 2025, taglay na ngayon ng bagyo ang pinakamalakas na hangin na 150 km/h malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 185 km/h.
Huling na-monitor ang sentro ng bagyo sa layong 650 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar. Inaasahang magdadala ito ng malakas na ulan at matitinding hangin sa ilang bahagi ng Visayas at Bicol Region sa mga susunod na oras.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa buong lalawigan ng Albay, habang patuloy na binabantayan ang posibleng paglawak ng mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan, at maging handa sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga mababa at bulubunduking lugar.