24/07/2025
NAVFORSOL, Naghatid ng Serbisyong Bayanihan sa Calaguas Island sa Pagdiriwang ng Anibersaryo ng Philippine Navy
CALAGUAS ISLAND, VINZONS, CAMARINES NORTE — Bilang bahagi ng ika-127 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Navy, matagumpay na isinagawa ng Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL) ang “Bayanihan Mula sa Karagatan” sa Barangay Banocboc, Calaguas Island noong Hulyo 19, 2025.
Layon ng aktibidad na ipamalas ang malasakit at pagtutulungan para sa mga komunidad sa malalayong lugar, sa pamamagitan ng paghahatid ng iba’t ibang serbisyo at pangunahing pangangailangan. Sa tulong ng mga kawani ng NAVFORSOL at mga residente ng lugar, matagumpay na naiproseso, naipadala sakay ng BRP AGTA (LC-290), at naipamahagi ang mga ayuda, na sumasalamin sa tunay na diwa ng bayanihan.
Katuwang sa inisyatibong ito ang ilang organisasyon at stakeholders kabilang ang Members Church of God International (MCGI), Dios Mabalos Po Foundation, Inc., Century Pacific Food, Inc., Philippine Army Finance Center Producers Integrated Cooperative (PAFCPIC), AKO BICOL Party-list, ACDI Multipurpose Cooperative, PN Savings and Loan Association, Inc., Calaguas Paradise Resort, Philippine Navy Officers’ Wives & Husbands Association, Inc., at Tactical Operations Group 5 ng Philippine Air Force.
Kabilang sa mga tampok na bahagi ng aktibidad ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Calaguas Public Restroom Project na layong mapabuti ang sanitasyon at kalusugan ng mga residente sa baybaying komunidad.
Umabot sa 870 food packs, 10 wheelchair, 40 tungkod para sa may espesyal na pangangailangan, 68 kahon ng MannaPack Rice, 70 Lotte bags, mga tsinelas para sa mga batang kulang sa nutrisyon, WASAR (Water Search and Rescue) equipment, mga kagamitang pampalakasan, at 30 basurahan ang naipamahagi sa mga benepisyaryo mula sa Brgy. Banocboc at piling pamilya sa Brgys. Mangcawayan at Pinagtigasan.
Muli nitong pinatunayan ang dedikasyon ng Philippine Navy, hindi lamang sa pagtatanggol sa karagatang sakop ng bansa, kundi pati sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan.