19/12/2025
MAGSASAKA NA NAGSAULI NG BAG NA MAY ₱60,000 AT MAMAHALING GAMIT, PINURI AT KINILALA
Isang magsasaka na kinilalang si Pobleo Narca, 53 taong gulang at residente ng Barangay Oleras, Laoang, Northern Samar, ang pinuri at pinarangalan matapos niyang isauli sa kapulisan ang isang bag na kanyang napulot na naglalaman ng humigit-kumulang ₱60,000 cash, cellphone, passport, at dalawang mamahaling relo.
Ayon sa Laoang Municipal Police Station (MPS), sa halip na angkinin ay agad na dinala ni Narca ang nasabing bag sa mga tauhan ng 2nd Northern Samar Provincial Mobile Force Company at Laoang MPS. Matapos ang beripikasyon, natukoy ang may-ari ng bag na si Ms. Cristina Sharpe, na kalaunan ay nakita ang social media post ng pulisya hinggil sa nawawalang gamit.
Bilang pagkilala sa ipinamalas na katapatan, iginawad ng Local Government Unit ng Laoang, sa pangunguna ni Mayor Charlene L. Ongchuan, ang Certificate of Commendable Laoanganon Values at isang cash incentive kay Narca. Nagkaloob rin ng Certificate of Commendation si PCPT Ni**od R. Holares, Hepe ng Laoang MPS.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si PCOL Sonnie B. Omengan, Provincial Director ng Northern Samar Police Provincial Office, sa pamahalaang lokal ng Laoang sa agarang pagkilala sa mabuting gawa ng magsasaka. Hinikayat din niya ang publiko na tularan ang katapatan at magandang halimbawa na ipinakita ni Narca. | via NSPPO