12/12/2025
SEC, MAS HIGPIT NA LIMITASYON SA INTEREST RATES NG MALIIT NA CONSUMER LOANS
MANILA — Nagpatupad ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng mas mahigpit na limitasyon sa interest rates para sa maliliit na consumer loans bilang hakbang laban sa mapagsamantalang lending practices.
Naglabas ang SEC ng bagong patakaran ukol sa interest rate ceilings at iba pang kaugnay na bayarin para sa unsecured, general-purpose loans na hanggang P10,000 na may repayment terms na hanggang apat (4) na buwan.
Sa ilalim ng bagong regulasyon, itatakda ang effective interest rate sa maximum na 12% kada buwan, mas mababa sa dating 15%, o katumbas ng humigit-kumulang 0.4% kada araw. Sinasaklaw nito ang nominal interest at lahat ng fees at charges, maliban sa penalties. Ang nominal interest rate naman ay hindi maaaring lumagpas sa 6% kada buwan.
Limitado rin sa 5% kada buwan ng outstanding balance ang maaaring ipataw na penalties sa late o missed payments. Samantala, hindi maaaring lumagpas sa 100% ng loan principal ang kabuuang gastos—kasama ang interest, fees at penalties. Epektibo ang bagong rules para sa lahat ng bagong, renewed, o restructured loans simula Abril 1, 2026.
Batay ang polisiya sa Financial Products and Services Consumer Protection Act, na nagbibigay kapangyarihan sa regulators na suriin ang pagiging makatarungan ng mga singil na ipinapataw sa borrowers.
Ayon kay SEC Chairperson Francis Lim,
“Ang nire-calibrate na interest rate cap ay nagbibigay ng balanse at sustainable na framework para sa lenders at borrowers, alinsunod sa mandato ng Commission na protektahan ang mga consumer habang sinisiguro ang viability ng legitimate financing at lending companies.”
Naglatag din ang SEC ng mas mabibigat na parusa para sa mga kompanyang susubok umiwas sa interest caps sa pamamagitan ng loan restructuring, disguised charges, o iba pang mapanlinlang na paraan. Nagsisimula ang multa sa P50,000, at maaaring umabot sa suspension o tuluyang pagbawi ng kanilang authority to operate sakaling maging paulit-ulit ang paglabag.
Tiniyak ng Commission na regular nilang rerepasuhin ang polisiya upang manatiling akma sa umiiral na industry conditions at regulatory developments.
Matatandaang dating itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa konsultasyon sa SEC, ang 15% per month na ceiling para sa effective interest rates o katumbas ng 0.5% per day.
Patuloy namang bumababa ang interest rates simula noong nakaraang taon kasabay ng pagluwag ng BSP sa monetary policy bunsod ng mas mabagal na inflation at economic growth. | via ABS-CBN NEWS