31/07/2026
LATHALAIN | ๐ฃ๐ฟ๐ผ๐ณ๐ฒ๐๐๐ถ๐ผ๐ป๐๐๐ฆ ๐ถ๐ป ๐๐ต๐ฒ ๐ ๐ฎ๐ธ๐ถ๐ป๐ด: ๐๐ป๐ด ๐๐ฎ๐น๐ถ๐ธ-๐๐๐ธ๐๐ฒ๐น๐ฎ ๐ป๐ถ ๐๐ถ๐ป๐ฎ
Sa tuwing sumisikat ang araw at unti-unting nagigising ang mga pamayanan, tila may iisang ritwal na sabay-sabay na isinasabuhay ng libo-libong pamilyang Pilipino. Isa-isang bumubukas ang mga pintuan ng bahay, nagmamadaling lumalabas ang mga batang nakasuot ng uniporme, may mga bag na halos kasinlaki ng kanilang mga katawan at baong mga kuwaderno na unti-unti nang napupuno ng mga aralin at pangarap.
Sa mga kalsadang dinaraanan nila, maririnig ang halakhakan ng magkakaibigan, ang paulit-ulit na paalala ng mga magulang na mag-ingat sa pagtawid, at ang tunog ng kampanang nagsisilbing hudyat ng panibagong araw ng pagkatuto.
Matagal nang nakaukit sa ating isipan ang ganitong larawan. Kapag sinabi ang salitang "estudyante," halos kusang lumilitaw sa ating imahinasyon ang mukha ng isang bata o kabataang papasok sa paaralan. Kapag binanggit ang "silid-aralan," iniisip natin ang mga hanay ng kabataang sabik matuto, nangangarap makapagtapos, at unti-unting hinuhubog ang kanilang kinabukasan. Sa paglipas ng panahon, tila ba naging tahimik na kasunduan ng lipunan na ang pag-aaral ay may itinakdang yugto lamang sa buhay, na may tamang edad para matuto at may panahong hindi na dapat bumalik.
Ngunit may isang silid-aralan na tahimik na sumasalungat sa paniniwalang ito.
Sa likod ng isang payak na pintuan ng Alternative Learning System (ALS), ibang kuwento ang araw-araw na isinusulat. May isang lolo na dahan-dahang isinusuot ang kaniyang salamin bago maingat na basahin ang unang talata sa kaniyang modyul. Sa kabilang hanay, isang amang karpintero ang marahang humahawak ng lapis gamit ang mga kamay na bakas pa ang mga kalyo mula sa maghapong pagbabanat ng buto. Sa isang sulok naman, isang ina ang tahimik na pinatutulog ang kaniyang bunso habang binabasa ang mga araling kailangang tapusin bago sumapit ang susunod na linggo.
Hindi sila magkakapareho ng edad. Hindi rin pare-pareho ang dahilan kung bakit sila naputol sa pag-aaral. Ang ilan ay kinailangang huminto dahil sa kahirapan. Ang iba nama'y napilitang unahin ang pamilya, magtrabaho nang maaga, o tumulong sa kabuhayan ng kanilang mga magulang. May mga naging biktima ng mga hindi inaasahang pangyayari sa buhayโmga sakunang nagpabago sa takbo ng kanilang kinabukasan, mga responsibilidad na dumating nang mas maaga kaysa sa inaasahan, at mga pagkakataong hindi nila kayang tanggihan kahit kapalit pa nito ang sariling pangarap.
Ngunit sa kabila ng magkakaibang kuwento, iisa ang dahilan kung bakit muli silang naupo sa loob ng silid-aralang iyon.
Hindi upang habulin ang ibang tao.
Kundi upang ipagpatuloy ang isang pangarap na minsang kinailangang ipagpaliban.
Sa ALS, ang salitang "balik-eskwela" ay hindi lamang nangangahulugan ng muling pagpasok sa paaralan. Para sa marami, ito ang pagbabalik sa isang bahagi ng kanilang sarili na matagal na nilang inakalang tuluyan nang nawala. Ito ang tahimik na pagharap sa mga tanong na matagal nang gumugulo sa kanilang isipan, โPuwede pa kaya?" "Hindi na ba ako huli?" "May saysay pa bang mangarap sa edad ko?" Mga tanong na madalas ay hindi na kailangang sabihin nang malakas sapagkat mababanaag na sa kanilang mga mata ang mga alinlangan at pangambang matagal na nilang pasan.
Isa sa mga nagbitbit ng mga tanong na ito si "Lina.โ
Bata pa lamang siya nang unang mangarap na makatapos ng pag-aaral. Tulad ng maraming batang Pilipino, naniniwala siyang ang edukasyon ang magiging tulay tungo sa mas maayos na kinabukasan. Masaya siyang pumapasok sa paaralan noon, sabik matuto, at naniniwalang balang araw ay makakamit din niya ang diploma na ipinagmamalaki ng maraming pamilya.
Ngunit hindi lahat ng pangarap ay sumusunod sa plano.
Bago pa man siya makatuntong sa mataas na paaralan, kinailangan niyang ihinto ang pag-aaral dahil sa kakapusan sa pananalapi at mga suliraning kinakaharap ng kanilang pamilya. Unti-unting napalitan ang kaniyang mga aklat at kuwaderno ng mga gawaing mas mahalagang unahin sa panahong iyon.
Kalaunan, nagkaroon siya ng sariling pamilya. Ang dating mga araling kailangang sagutan ay napalitan ng listahan ng mga gastusin, pag-aalaga sa mga anak, paglalaba, pagluluto, at walang katapusang mga responsibilidad na kaakibat ng pagiging isang ina.
Lumipas ang mga taon na tila ba walang puwang ang sariling pangarap sa kaniyang pang-araw-araw na buhay. Habang nag-aaral ang kaniyang mga anak, tahimik lamang niyang pinapanood ang mga ito, dala ang lihim na pag-asang balang araw ay mararanasan din niyang isuot ang unipormeng minsang hindi niya natapos. Hindi siya kailanman tumigil sa pangangarap. Sa halip, natutunan lamang niyang itabi muna ito upang bigyang-daan ang mas mahahalagang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Kaya nang marinig niya ang tungkol sa ALS, hindi niya ito agad tinuring na isang simpleng programa. Para sa kaniya, isa itong pagkakataong akala niya'y tuluyan nang nawala, isang paanyaya na balikan ang pangarap na matagal nang naghihintay sa tamang panahon. Sa ALS ng DepEd Liloan District, muli siyang naupo sa loob ng isang silid-aralan, kasama ang mga kapwa mag-aaral mula sa iba't ibang paaralang saklaw ng ALS sa Liloan. Iba-iba man ang kanilang mga pinagdaanan, pinag-isa sila ng iisang hangarin: ang tapusin ang pag-aaral na minsang kinailangang ipagpaliban.
Sa ilalim ng sigaw na โSa ALS may Pag-asa!โ, patuloy na binubuksan ng Department of Education (DepEd) ang pinto para sa sinumang nagnanais magpatuloy sa kanilang pag-aaral. Sa pamamagitan ng iba't ibang antas tulad ng Basic Literacy Program (BLP) para sa mga edad 12 pataas na nakatapos lamang ng Kinder hanggang Grade 3, pati na rin ang Accreditation and Equivalency (A&E) Elementary (para sa Grade 4โ6 non-graduates) at A&E Junior High School (para sa mga edad 16 pataas), ibinabalik nito ang pag-asa sa mga mamamayang nais bumangon muli.
Sa napakabasikong mga kinakailangan lamang katulad ng kopya ng PSA/NSO birth certificate (o marriage contract kung may asawa na) at patunay ng huling antas na pinag-aralan, maaari nang mag-enrol sa pinakamalapit na paaralan o Barangay Hall sa mga pamayananโmga simpleng hakbang lamang upang simulan ang muling pag-abot sa pangarap na minsan nang naipagpaliban.
Ang unang araw ng pagbabalik ni Lina ay hindi naging madali. May hiya, may pag-aalinlangan, at may takot na baka hindi na niya kayang makipagsabayan sa mga aralin matapos ang maraming taong nawalay sa silid-aralan. Gayunpaman, sa bawat pahinang kaniyang binubuklat at sa bawat pagkakataong muli niyang hinahawakan ang lapis na matagal ding nawala sa kaniyang mga kamay, unti-unti niyang napagtanto na ang pagkatuto ay hindi kailanman naging pag-aari lamang ng kabataan.
Para kay Lina, ang ALS ay hindi lamang nagbigay ng pagkakataong makabalik sa pag-aaral, kundi nagpanumbalik din ng tiwalang minsang nawala sa kaniyang sarili.
"Abi gyud nako nga dili na ko makaskwela pag-usab. Nauwaw ko sa una kay tigulang na ko ug nahadlok ko basin dili na ko kasabot sa mga leksyon. Pero sa pagpadayon nako, nasabtan nako nga wala diay edad ang pagkat-on. Kung naa kay tinguha ug paningkamot, naa gyud kay mahimo," pahayag ni Lina.
Sa silid-aralang iyon, hindi edad ang unang napapansin kundi ang tapang na magsimulang muli. Ang bawat modyul na natapos at bawat araling naunawaan ay naging hakbang palapit sa pangarap na minsang ipinagpaliban. At noong Hulyo 10, 2026, opisyal nang nagtapos si Lina sa ilalim ng ALS ng DepEd Liloan District, isang tagumpay na hindi lamang sumisimbolo sa pagtatapos ng isang programa, kundi sa katuparan ng pangarap na matiyaga niyang iningatan sa loob ng maraming taon.
Sa araw na iyon, pinatunayan niyang maaaring maantala ang pag-aaral, ngunit hindi kailanman nahuhuli ang taong handang magsimulang muli.
Sulat ni | Geehna Clara
Layout ni | Shamen