21/10/2025
Sa bawat pagsikat ng araw at pagbuhos ng ulan, muling umaahon sa putikan ang mga likod na kaytagal nang nakayuko sa lupa. Sa bawat tulo ng pawis ay ang bigat ng dekada-dekadang pag-asa at pakikibakaโang pag-asang sa bawat ani ay may pag-ahon, at ang pakikibakang hindi kailanman inuurungan ng init, ulan, o kawalang-katarungan.
Hanggang ngayon, sila pa rin ang unang gigising at huling magpapahinga, sa pag-asang may ani, kahit madalas ay wala namang pag-ahon.
Tuwing ika-21 ng Oktubre, ginugunita natin ang Araw ng mga Pesante, hindi bilang pagdiriwang, kundi bilang paalala ng paulit-ulit na pagkakait ng lupa sa mga tunay na nagbubungkal nito. Sa bawat butil ng bigas na kinokunsumo ng bansa, naroon ang hindi nabayarang utang ng lipunan sa mga magsasaka: lupa, dangal, at hustisya.
Sa mga papeles ng estado, sinasabing buhay ang agrikultura. Sinasabing umaangat ang produksiyon, lumalago ang ekonomiya, at patuloy na umuusad ang kanayunan. Ngunit sa ilalim ng mga numerong iyon ay ang mga kamay na kumakayod habang nananatiling gutom; mga paang lubog sa putik ng sistemang sa kanilaโy umaalipin.
Noong Oktubre 21, 1972, ipinangako ni Ferdinand E. Marcos Sr. ang pagpapalaya ng mga magsasaka mula sa tanikala ng pangungupahan. Ngunit, tulad ng maraming pangako ng diktadura, itoโy nanatiling papel na walang ugatโipinako sa limitasyong palay at mais, habang ang mga magsasaka ay nanatiling nakayuko sa lupaing hindi kanila.
Lumipas ang mga dekada, nagpalit ng administrasyon, ngunit pareho pa rin ang tanawin: mga repormang may bagong pangalan, ngunit lumang ugat ng pang-aagaw.
Mula Marcos hanggang Aquino, paulit-ulit ang parehong kwentoโmga kamay na nagbubungkal ng lupaing hindi kanila, mga pangakong reporma na nauuwi sa utang at titulo na parang multo. Sa bawat administrasyon, ang lupaโy patuloy na nagiging negosyo, hindi tahanan. At habang ipinagmamalaki ng estado ang repormang agraryo, unti-unting kinukubkob ng mga korporasyon ang mga sakahan, ginagawang plantasyon, mina, o subdibisyon ang mga lupang dapat ay taniman.
Ngunit higit sa kawalan ng lupa ang pasanin ng mga magsasakaโang mismong karapatan nilang manindigan ay pinagkakait. Hindi bilang mga pangalan sa ulat, kundi mga buhay na pinutol sa gitna ng laban: sina Randy Echanis, Chai at Ariel Evangelista, ang Sagay 9, Negros 14, New Bataan 5, siyam na Tumandok sa Panay, Rommy Torres, Joseph Canlas, at Randy Malayao, at marami pang iba. Mga boses ng lupa na pinatahimik ng bala. Sa kanayunan, ang pagnanais para sa katarungan ay madalas sinusuklian ng karahasan.
Sa ilalim ng mga patakarang neoliberalโmula sa Rice Tariffication Law hanggang sa malawakang land conversionโang pang-aagaw ay nagbago lamang ng anyo. Hindi na armado ng baril, kundi ng kontrata, taripa, at presyo sa merkado. Sa bawat hectaryang ipinagbibili, unti-unting nilalason ng merkado ang lupa; at sa bawat litrong pawis ng mga pesante, patuloy na nilulubog sila ng sistemang kumikita sa kanilang paghihirap.
Ngunit sa kabila ng lahat, patuloy silang bumabangon. Sa bawat bagyo at tagtuyot, muling nagbubungkal ang mga kamay na tila tinig ng lupang umaasa, hindi lamang ng palay, kundi ng pag-ahon. Sa mga baryong binabaha ng pandarahas, naroon pa rin ang mga tinig na nagsasabing โAng lupa ay buhay, at ang buhay ay lalaya.โ
Ang Araw ng mga Pesante ay hindi lamang isang paggunita, kundi ito rin ay panawagan sa gobyernong naghaharian sa lupain ng inang bayan. Sa bawat butil ng palay ay nakabaon ang panawagan ng katarungan; sa bawat putik na dinaraanan, ang alaala ng pag-asa.
Ngunit habang patuloy ang pananakop ng mga korporasyon sa lupang sinasaka at ang panunupil sa mga boses ng paglaya, mananatiling binabaha ng pawis at dugo ang lupang kanilang sinisinagan. Mula sa diktadura ni Marcos Sr. hanggang sa pamana ng karahasan ni Duterte at sa patuloy na militarisasyon sa ilalim ni Marcos Jr., pinapatunayan ng kasaysayan na ang tunay na reporma ay hindi ipinagkakaloobโito ay ipinaglalaban, araw-araw, sa bawat tadyak ng kalabaw, sa bawat hampas ng araro, sa bawat pawis ng mga magsasaka ng bayan. ยถ
Verbo: Mark Ruel Pagal at Sophia Andrei Basiloy
Lapat ni Mariel Kimberly Novio