01/06/2026
LATHALAIN | Bakla, Bakla paano ka ginawa?
“Totoy, bakla ka ata eh?” huning pabiro ng isang kaklase ni Totoy.
Tumawa si Totoy at inasar pabalik, “Ulol, baka ikaw.”
Mapusok na sagot para sa marahas at dapat walang kahulugang tanong, Tanong na dapat ay walang balik, pero parang natural na ang bitaw na may kasamang panghuhusga. Kailangan lunukin lagi ang balisa at lambot sa katawan at makitawa. Kailangan kasama lagi sa mga matitikas, bawal magpakita ng lambot at lamya.
𝗔𝘆, 𝗕𝗮𝗿𝗯𝗶𝗲 𝘀𝗮𝗯𝗶 𝗸𝗼 𝗻𝗮!
Sa loob ng mga silid, nakakarinig ng mga halakhak dahil si Totoy ay may taglay na kakaibang kilos. Mapilantik, malambot, malamya, Barbie! Ngunit sa bawat kendeng, kailangang may mapatunayan sa lipunan—kung paano lumakad, magsalita, at umasta ang isang “tunay” na lalaki.
Hindi matansya kung bakit masikip sa dibdib at nakaka-pasma tuwing nagtatawanan para sa mga birong masakit sa tainga.
𝗣𝗮𝘀𝘀 𝘀𝗮 𝗛𝗮𝗹𝗮𝘁𝗮
Sa panahon na ang ideya ng pagmamahal ay ang mga munting bagay na normal gaya ng ma-abutan ng bulaklak at tsokolate, sunduin sa labas ng eskwelahan at ihatid pauwi, makaranas ng date sa sinehan. Ang pantasya ni Totoy ay hindi swak sa panlasa ng masa.
“Totoy, hindi tayo pwede. Masyado kang bakla.”
Sampal ng mundong kinaroroonan ay hindi ginawa para sa mga baklang gusto magmahal ng malaya. Hindi libre ang magmahal dahil para kay Totoy na binansagan na ng samu’t-saring layaw, maraming beses na niya naipagbili ang piraso ng sarili niya para tanggapin, para makita; at para kilalanin.
Gaya ni Totoy na pinipigilan baguhin ang galaw. Tinatago ang sarili. Tumatawa sa mapait na biro. Dahil sa isang bukambibig “tanggap namin kayo,” marami pa ring kondisyon bago tuluyang ibigay ang respeto.
“Tanggap kita, basta huwag mong ipakita.”
“Tanggap kita, pero huwag mong gawing ibalandara”
“Tanggap kita, basta huwag ka lang masyadong halata.”
𝗔𝗯𝗮, 𝘀𝗶𝘆𝗲𝗺𝗽𝗿𝗲 𝗽𝗼!
Kung babalikan, “Totoy, bakla ka ata eh?” ang laging tanong sa mga baklang nagtatago at ipipilit na wala silang pitik sa katawan. Sa halip na “Baka ikaw?” ang sagot, nagiging baryasyon ng “Aba, siyempre po!” na ang balik.
Hindi ito nangyari nang isang gabi, ito ay dala ng ilang taong pagiging isang “barbie” at “halata.”
Unti-unti, nagbabago na rin ang takbo ng kuwento. Mas marami nang mga baklang inaangkin ang taglay na kulay dahil hindi na insulto ang salitang “bakla.”
panulat nina Duanne Edurise, Renz Sancebuche / The VISION