27/08/2025
Governor Bonz Dolor, Pinuna ang SP sa 'Pagtatakip' sa Anomalya ng Flood Control Projects
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Oriental Mindoro Governor Humerlito "Bonz" Dolor sa Sangguniang Panlalawigan (SP) matapos nitong ipasa ang isang resolusyon para imbestigahan ang kaniyang River Restoration Program. Sa isang pahayag, tinawag ni Dolor na "labis na nakakalungkot" ang naging hakbang ng SP, lalo pa't aniya, matagal na itong dumaan sa proseso at hindi gumamit ng pondo mula sa buwis ng mga mamamayan.
Ayon kay Dolor, ang layunin ng programa ay maiwasan ang malawakang pagbaha sa iba't ibang lugar. Iginiit niya na ang pag-dredge sa mga ilog at daanan ng tubig ay "hindi uri ng pagmimina at hindi commercial dredging" at dapat nang itigil ang "panlilinlang sa mga mamamayan."
Hamon ni Dolor sa SP, bago imbestigahan ang kaniyang programa, dapat ay mas tutukan ang "bilyon-bilyong flood control projects na substandard, overpriced, at pinagkikitaan." Aniya, ang mga proyektong ito ay gawa sa "dugo at pawis ng mga mamamayan" at may mga halimbawa na siyang nabanggit, tulad ng mga proyekto sa Naujan, Calapan City, Baco, at B**gabong na aniya'y "sira na agad samantalang kagagawa pa lamang."
"Sobrang sakit na po ang mga paratang sa akin ng mga pulitiko na tumanggap ako ng pera sa dredging," pahayag ni Dolor. Binatikos niya ang SP sa pagpasa ng resolusyon na kumukondena sa kaniyang programa, subalit hindi naman aniya makakondenang malinaw sa mga "kapalpakan ng mga flood control projects."
"Tama na po ang sobrang pamumulitika. Tama na rin ang pagtatakip sa mga anomalya sa bilyon-bilyong flood control projects!" pagtatapos ni Dolor sa kaniyang pahayag. Patuloy siyang nanawagan na imbestigahan ang mga nasabing anomalya sa mga proyekto na laan para sana maiwasan ang pagbaha.