26/06/2026
2 TIMBOG, ₱4.5-M HALAGANG FROZEN MEAT PRODUCTS NASAMSAM SA BACOLOR
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Dalawang indibidwal ang naaresto habang tinatayang 40 toneladang iba't ibang frozen meat products na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱4.5 milyon ang nasamsam sa isinagawang joint inspection at enforcement operation sa isang meat processing facility sa Brgy. Calibutbut, Bacolor, Pampanga.
Pinangunahan ng RSOG-RID3, katuwang ang FDA Regional Field Office 3, NMIS Region 3, BPLO, Municipal Sanitary Office, Municipal Agriculture Office ng Bacolor, at Bacolor Municipal Police Station, ang operasyon matapos matukoy na umano’y nagpapatakbo ang establisyimento nang walang kinakailangang License to Operate mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa isinagawang inspeksyon, nakumpiska ang iba't ibang frozen na karne ng baka, baboy, at manok, kung saan ang ilan ay natuklasang expired at maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Food Safety Act of 2013 at Meat Inspection Code of the Philippines. Samantala, isinailalim sa kustodiya ng RSOG-RID3 ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang pansamantalang ipinasara ang pasilidad para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang aksyon ng mga kinauukulang ahensya.
‘Pinaaalalahanan ng Pampanga PPO ang lahat ng food manufacturers, processors, at distributors na mahigpit na sumunod sa mga itinakdang batas at regulasyon sa kaligtasan ng pagkain. Ang pagtiyak sa kalidad at kaligtasan ng mga produktong pagkain ay mahalaga upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan.’ Ani PCOL DAVID
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng mga law enforcement at regulatory agencies sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan, pagpapatupad ng food safety standards, at mahigpit na pagsugpo sa mga paglabag sa umiiral na batas.