21/04/2025
NAKAKAAWA KA PAGTANDA MO!
Kahapon, nagkakwentuhan kami nina Nanay at Auntie tungkol sa isang pinsan naming kinasal dalawang taon na ang nakalipas. Napunta ang usapan sa kanya, at biglang sabi ni Nanay:
Nanay: “Buntis na pala si _____. Naunahan ka pa.”
Pinaparinggan ako. Parang sinasabi niyang naunahan pa ako ng pinsan kong mas bata sa akin ng halos apat na taon. Hindi pa ako nakakasagot, sumabat na agad si Auntie.
Auntie: “Bilis-bilisan mo na. Tumatanda ka na.”
Medyo natahimik ako sandali, pero hindi ko na rin napigilan ang sarili kong magsalita.
Me: “Hindi naman ito kumpetisyon kung sino ang unang magkaanak. At para alam niyo na rin, wala akong balak mag-anak. Hindi siya parte ng plano ko.”
Parang hindi nila nagustuhan ang sagot ko. Sagot agad si Nanay.
Nanay: “Mag-anak ka kahit isa. Mahirap ang walang anak. Lalo na pag tanda mo.”
Auntie: “Oo nga. Pag tumanda ka na, sinong gagabay sayo? Sinong aalalay sayo kung wala kang anak?”
Me: “Kaya ba kayo nag-anak? Para may mag-aalaga sa inyo pagtanda ninyo?”
Bigla silang natahimik. Walang sumagot. Ilang saglit, nagsalita ulit si Nanay.
Nanay: “Eh paano kung tumanda ka na at nagkasakit ka? Anong gagawin mo? Sinong tutulong sayo?”
Me: “Kaya nga ako nagtatrabaho ngayon. Para mapaghandaan ko ang sarili kong pagtanda. Kung sakaling magkasakit ako, may ipambabayad ako sa caregiver. Hindi ako aasa sa ibang tao, lalo na sa magiging anak—kung sakaling magkakaroon man ako.”
Akala ko tapos na ang usapan, kasi natahimik na kami. Pero makalipas ang ilang minuto, nagsalita ulit si Nanay.
Nanay: “Iba pa rin ang may anak. Nakakaawa ka pagtanda mo.”
Dito na ako medyo napikon. Hindi ko na kinaya ang paulit-ulit nilang pangungulit.
Me (may diin na ang boses): “Dapat alisin niyo sa isip niyo na ang mga anak ay retirement plan. Nanay, inaalagaan ka namin hindi dahil obligasyon namin yon. Ginagawa namin yon kasi gusto naming alagaan ka. Pero hindi lahat ng anak gano’n. Hindi obligasyon ng anak na alagaan ang magulang nila pagtanda.”
Sa isip ko, gusto ko pa sanang idagdag:
“Sa totoo lang, sa gastos ko pa lang sayo ngayon—sa maintenance mo, therapy, gamot, at kahit mga luho mo—ubos na halos ang budget ko. Paano pa ako magkakaroon ng anak kung ngayon pa lang ay sagad na ako? Hindi ko gustong magsumbat, at ayokong bastusin si Nanay o si Auntie. Pero sana, huwag niyo akong pilitin sa paniniwalang hindi ko pinili at hindi na angkop sa panahon ngayon.”