25/07/2025
MGA LARAWAN: Sa kabila ng masamang panahon, pormal pa ring nailunsad ng delegasyon ng Timog Katagalugan ang LABAN TK Caravan ngayong araw, Hulyo 25, sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Kamaynilaan bilang pagtunggali sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (BAYAN TK), tumungo ang mga progresibong grupo sa United States Embassy, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, at Department of Environment and Natural Resources.
Sentro sa mga kilos-protesta ang mga panawagan hinggil sa hustisyang pangklima at kompensasyon para sa mga marhinalisadong sektor na apektado ng mga kalamidad. Iginiit din nila ang kondemnasyon sa patuloy na development aggression sa rehiyon, tulad ng Laguna Lakeshore Road Network at mga dam sa Sierra Madre.
Ayon sa nagkakaisang mga pormasyon, layon ng malawak na programa na ilantad ang tunay na kondisyon at danas ng mga mamamayan sa ikatlong taon ng pagkapangulo ni Marcos Jr.
Magpapatuloy naman ang serye ng mga pagkilos ng delegasyon sa iba't ibang mga tanggapan ng pamahalaan sa mga susunod na araw, kabilang na ang pakikiisa sa programang SONA ng Bayan sa Hulyo 28.
📝: Prince Luke Cerdenia
📸: Europhia Anne