
26/07/2025
𝗢𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗡𝗮𝗴𝗸𝗮𝗸𝗮𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗠𝗮𝗴-𝗮𝗮𝗿𝗮𝗹 𝗻𝗴 𝗖𝗗𝗖 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝗵𝗶𝗻𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗞𝗼𝗿𝘁𝗲 𝗦𝘂𝗽𝗿𝗲𝗺𝗮 𝘀𝗮 𝗜𝗺𝗽𝗲𝗮𝗰𝗵𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗧𝗿𝗶𝗮𝗹 𝗻𝗶 𝗩𝗣 𝗦𝗮𝗿𝗮 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲
𝙃𝙖𝙩𝙤𝙡 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙨𝙖 𝙖𝙮 𝙋𝙖𝙠𝙞𝙣𝙜𝙜𝙖𝙣!
𝙎𝙖𝙧𝙖 𝘿𝙪𝙩𝙚𝙧𝙩𝙚, 𝙇𝙞𝙩𝙞𝙨𝙞𝙣 𝙖𝙩 𝙋𝙖𝙣𝙖𝙜𝙪𝙩𝙞𝙣!
Lubos na pagkadismaya ang nararamdaman ng mga mag-aaral at nagkakaisang organisasyon ng College of Development Communication sa naging desisyon ng Korte Suprema kahapon, Hulyo 25, kung saan idineklara nitong “unconstitutional” ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Ang desisyong ito ay hindi lamang harap-harapang pambabastos gayong ilang miyembro ng Korte Suprema ang kaalyado ni former President Rodrigo Duterte. Isa rin itong indikasyon na matagal pa ang ating lalakbayin tungo sa tunay na hustisya at pananagutan na batay sa katotohanan.
Noong Pebrero, nagsampa ang House of Representatives ng kasong impeachment laban kay VP Duterte batay sa sumusunod na mga alegasyon: “corruption for the alleged misuse of confidential intelligence funds, an assassination threat against President Ferdinand Marcos, Jr., and incitement to insurrection and public disorder.” Aabot sa 240 mambabatas ang pumirma sa nasabing impeachment complaint—isang katotohanan na sumasalamin sa hangarin ng taumbayan na makamit ang tunay na hustisya.
Sa kabila nito, nagpasya pa rin ang Korte Suprema na pahintuin ang kaso laban sa isa sa pinakamatataas na opisyal ng Pilipinas. Ang hakbang na ito ay patunay na ang kanilang pinagsisilbihan ay taliwas sa interes ng mga mamamayan ng bansa. Ang apat na impeachment complaint laban kay Duterte ay malinaw na pahiwatig na hindi maaaring balewalain ang mga alegasyong kinakaharap niya. Pagtawag ito sa Korte Suprema na sa harap ng mga hangarin para sa pananagutan, hindi dapat ginagamit ang mga butas sa batas bilang proteksyon ng mga nasa poder ng kapangyarihan.
Sa panahong naghahangad ang taumbayan ng hustisya, ang desisyon ng Korte Suprema ay pagpikit ng mga mata sa mali at pagbibingi-bingihan sa daing ng masa. Ang mga maniobra tulad ng desisyong ito ay malaking sampal sa sambayanang Pilipino at hindi dapat basta-bastang palampasin. Sa halip, ito ay dapat magsilbing mitsa ng masidhing pagkilatis sa mga sistemang legal at pampulitika, lalo pa’t lumilitaw ang pangangalaga sa may mga kapangyarihan kaysa pagsulong ng katotohanan.
Hindi tayo papayag na tuldukan ng ganitong tipo ng pag-atake at pambabastos ang ating paninindigang mapanagot ang mga nasa pwesto. Magsisilbi itong alab na gigising sa diwa ng bawat Pilipino at magpapaalalang kailangan natin itong dalhin sa lansangan, sa mga diskurso, at sa bawat espasyo kung saan dapat mag-ugat ang kolektibong pagkilos—sa masa.
Kaya’t muling nananawagan ang mga mag-aaral ng Komunikasyong Pangkaunlaran na patuloy tayong manindigan at makibaka. Hindi pa tapos ang laban, at hindi tayo titigil hangga’t hindi nasisingil ang dapat pagbayarin dahil hindi natatapos ang katarungan sa loob ng mga korte o opisina ng gobyerno—ang tunay na pagbabago ay isinisilang sa lansangan, sa sama-samang sigaw ng mga mamamayang hindi kailanman nananahimik sa harap ng inhustisya.
Magkita-kita tayo sa lansangan, makiisa sa mga pagkilos, at ipagpanawagan ang hustisyang makatao at tunay na may pakialam sa kapakanan ng sambayanan. Sa mismong araw ng SONA ni Marcos Jr., Hulyo 28, ay inaanyayahan ang lahat na makiisa sa SONA ng Bayan para makita ang totoong lagay ng bansa mula sa lente ng masa at mamamayang api. Magtipon-tipon tayo bitbit ang paninindigan at pagkakaisa laban sa iilang naghaharing uri.
Katarungan para sa bayan! Panagutin si Sara Duterte! Marcos, singilin! Patuloy na lumaban, hanggang sa tagumpay!